VALENZUELA CITY – KULONG ang isang adik at padre de pamilya matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa sariling anak na dalagita at makuhanan ng shabu kamakalawa ng umaga.
Kasong acts of lasciviousness at paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinimpa ng pulisya kontra sa suspek na itinago sa pangalang “Mang Roger”, 50, bilang proteksiyon na rin sa dangal ng anak makaraang makumpiska sa kanya ang dalawang plastic sachet na may lamang shabu.
Sa ulat ng Valenzuela Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), natutulog sa loob ng kanyang silid ang anak na dalagita ng suspek sa loob ng kanilang bahay sa Fernando St., Brgy. Marulas nang magising dakong alas-12 ng gabi matapos maramdaman na may humihimas sa kanyang puwit.
Nang magdilat ng kanyang mata, tumambad sa kanyang paningin ang sariling ama na nakatabi na sa kanya kaya’t dali-daling bumalikwas ng bangon ang biktima at nagtatakbong palabas ng silid.
Nagsumbong ang dalagita sa kanyang ina kaya’t dakong alas-10:30 ng umaga ay nagtungo sa himpilan ng pulisya ang ginang at isinumbong ang ginawa ng mister sa sarili nilang anak.
Kaagad namang kumilos ang mga tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 3 saka dinakip ang suspek at nang kapkapan ay nakuhanan pa ng dalawang sachet ng shabu. EVELYN GARCIA
Comments are closed.