TINIYAK ni New Zealand Prime Minister Christopher Luxon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na welcome ang mga Pilipino kasabay ng pagtingin sa mga kapakanan ng mga ito na nais mamalagi sa kanilang bansa.
Sina Luxon at Pangukong Marcos ay nagkaharap nitong Huwebes at nangako na palalakasin ang kooperasyon para sa kanilang mga kababayan.
Sa kanilang pahayag, kapwa bukas ang dalawang lider sa lumalaking komunidad ng mga Pinoy sa NZ at napag-usapan ang seguridad ng Filipino community.
“The two leaders agreed to strengthen cooperation regarding the welfare of migrant workers, particularly Filipino nurses,” nakasaad sa joint statement nina Pangulong Marcos at PM Luxon. Hangad din ng dalawang lider na repasuhin ang kasalukuyang bilateral migrant worker arrangement, kasama na ang recruitment ng Filipino workers sa NZ at iba pang inisyatibo. Sa kasalukuyan, nasa 79,998 Pinoy ang nasa New Zealand.
Kinilala naman ni PM Luxon ang naging ambag ng mga Filipino sa kanilang ekonomiya kasama na ang pagpuno sa kailangang nilang workforce.
Nagkasundo rin ang dalawang lider na palawakin ang sakop ng education cooperation ng dalawang bansa. Ikinagalak din ng dalawang lider ang patuloy na pagtutulungan sa pagitan ng New Zealand Qualifications Authority at Commission on Higher Education (CHED) kasunod ng napagkasunduang resulta ng pagkakahambing ng proyekto ng Bachelor’s degree sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang pagtutulungan ng dalawang ahensya ay naglalayong suportahan at pahusayin ang kadaliang kumilos ng mga mag-aaral, propesyonal at skilled worker.
EVELYN QUIROZ