Umeksena ang umano’y anak sa labas ng Kapuso actor na si Richard Yap ngayong tumatakbo siyang mambabatas sa Cebu sa 2022 elections.
Kinilala ang umano’y anak ni Yap na si Joshua Paolo Jensen, 24, tubong-Bacoor, Cavite.
Noong October 28, naghain si Jensen ng petition for “compulsory recognition of natural child” o “acknowledgment of paternity and affiliation” sa Regional Trial Court sa Cebu City dahil hindi raw siya boluntaryong kinikilala ni Richard. Matagal na umano niyang hinahanap si Yap ngunit hindi siya pinapansin ng actor kahit pilit niya itong kinokontak sa Facebook at iba pang social accounts. Kahit daw ang asawa at mga anak ni Yap ay bina-block siya. Pumunta rin daw sila ng kanyang ina at lola sa ABS-CBN pero nagtatago raw ito sa kanila.
Hindi pa raw siya tapos sa elementarya nang malaman niyang si Richard ang kanyang ama. Noong panahong iyon ay hindi pa artista si Richard kundi model sa TV commercial ng isang fast food restaurant. Ang biological mother ni Jensen ay kinilalang si Cherymae Valdez na taga-Quezon City. Nakilala raw nito si Yap sa trabaho. Alam daw ni Yap na buntis ito ngunit hindi na ito nagpakita.
Ayon kay Jensen, handa siyang magpa-DNA testing kung kinakailangan.
Ayon naman kay Richard, malamang ay pakana ito ng kalaban niya sa pulitika. Kataka-taka umanong ten years na siya sa showbiz pero ngayon lang lumabas na may anak pala siya sa labas – timing pa na kakandidato siya sa Cebu. – KAYE NEBRE MARTIN