IMPOSIBLE ang isailalim ang bawat isang mamamayan sa COVID-19 testing. Maging ang mayayamang bansa kagaya ng US ay hindi ito kayang gawin, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ngunit sa gitna ng matinding pagtaas ng bilang ng positibong kaso sa bansa at pagtaas ng bilang ng mga nasasawi dahil sa virus mula nang ibaba ang restriksiyon ng community quarantine noong Hunyo, pinag-iibayo ng pamahalaan ang pagsasagawa ng testing para sa nasabing virus.
Pinagsusumikapan ng pamahalaan na makapagsagawa ng test sa 32,000 hanggang 40,000 katao kada araw. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 1.1 milyon katao na ang sumailalim sa testing. Ang target ng pamahalaan ay maisailalim sa testing ang 10 milyong katao hanggang sa ikalawang bahagi ng susunod na taon.
Bunsod ng pagtaas ng bilang ng isinasagawang test, dumarami rin ang bilang ng mga positibo sa nasabing virus. Napupuno na ang mga kuwarto at mga ward ng mga ospital at iba pang institusyon. Isang halimbawa rito ay ang Philippine General Hospital (PGH). Ayon sa PGH, umaabot na sa higit sa 215 na pasyente ang nilalaman ng kanilang COVID-19 ward at karamihan dito ay mga senior citizen. Ito ay nangyari pa rin sa kabila ng kanilang pagdagdag ng mga kuwarto na nakalaan para sa mga pasyente ng COVID-19 sa kanilang ospital.
Hindi dapat maging kampante ang publiko sa mas pinaluwag na community quarantine. Hindi pa rin dapat lumabas nang basta-basta sa bahay kung hindi naman mahalaga ang dahilan, lalo na ang mga may edad na. Sa katunayan, sa aking limitadong oras sa labas ng aking tahanan, marami akong nakikitang mga nakatatanda na nasa labas dahilan na rin marahil sa lubhang pagkainip sa loob ng kani-kanilang mga bahay. Ang panahon na ito, higit kailan man, ay ang panahon kung kailan dapat maging maingat para sa kaligtasan at kalusugan ng bawat isa.
Kasalukuyan nang nasa halos 73,000 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Halos 47,000 dito ay aktibong kaso at nasa halos 2,000 naman ang bilang ng mga nasawi. Sa rehiyon ng Timog Silangang Asya, pumapangalawa na sa bansang Indonesia ang Filipinas pagdating sa may pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases. Ayon sa datos na inilabas ng Statista, sa 30 bansang lubhang naapektuhan ng COVID-19, nasa ika-24 ang Filipinas pagdating sa testing rate.
Sa panahong ito, habang wala pang bakuna laban sa COVID-19, mabisang sistema ng testing ang kailangan upang malutas ang mga suliranin na dala ng pandemyang ito. Isang magandang balita naman na ang ilang mga lokal na pamahalaan ay nagiging mas malikhain sa pagsasagawa at pagpapatupad ng kanilang sistema pagdating sa COVID-19 testing.
Isang halimbawa rito ay ang lungsod ng Maynila na pinamumunuan ni Mayor Isko Moreno. Inilunsad sa Maynila ang kakaiba ngunit epektibong sistema ng drive-thru at walk-in testing centers sa Manila na nagbibigay ng libreng COVID testing.
Ayon Mayor Moreno, ang kanilang pangunahing dahilan sa paglulunsad ng libreng drive-thru testing para sa kanyang nasasakupan at maging hindi taga-Manila at mga taong walang sasakyan ay para masiguro na magkaroon ng access sa libreng testing ang sino mang nangangailangan.
Upang makatanggap ng hanggang isang libong tao kada araw sa anumang bahagi ng Metro Manila, tatlong drive thru testing ang itinayo sa lungsod. Isa rito ay ang drive-thru testing sa Quirino Grandstand, na may kapasidad na 700 test kada araw. Mayroon din sa Lawton na may kapasidad na 200 test kada araw, at isang walk-in testing center sa Ospital ng Sampaloc na may kapasidad na 100 test kada araw.
Dahil libre ang testing, marami ang dumagsa sa drive-thru testing at ang iba rito ay mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila. Ang iba ay natulog na sa kani-kanilang mga sasakyan upang makapila ng maaga at mapabilang sa mga maaaring i-test kada araw.
Ang drive-thru testing ay gumagamit ng makinaryang tinatawag na “Architect plus i1000 SR” na ginawa ng Abbott Laboratories. Ito ay may 99.6% specificity at 100% na sensitivity sa resulta. Ang kahusayan nito ay hindi naglalayo sa polymerase chain reaction o PCR machine na siyang ginagamit sa confirmatory testing ng mga nag-positibo sa rapid test kit.
Ang resulta ng mga test na isinagawa sa mga drive-thru at walk-in testing sa Maynila ay inilalabas sa loob ng 24 oras ng Manila Health Department (MHD) sa pamamagitan ng isang text message.
Ang opisyal na resulta ay ipinadadala nang personal sa mga bahay ng mga residente ng lungsod. Ang resulta naman ng mga hindi taga-Manila ay maaaring kuhanin sa testing center na nakatayo sa Quirino Grandstand.
Ang pribadong sektor ay tumutulong at nagbibigay ng suporta sa pamahalaan sa mga hakbang nito patungkol sa testing at contact tracing sa bansa upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng coronavirus.
Kamakailan ay nakipagtulungan ang Maynilad Water Services, Inc. sa Delos Santos Medical Center (DLSMC) sa pagpapasinaya sa bagong testing center na nagkakahalaga ng 15 milyong piso. Ito ay upang makatulong sa pagpapaibayo ng testing sa bansa. Ang testing center na ito ay itatayo sa loob ng compound ng DLSMC sa Quezon City. Kapag ito ay nabuksan na, ito ay makapagsasagawa ng test para sa 200 katao kada araw.
Sa kasalukuyan, nasa higit sa 30 na RT-PCR laboratory ang rehistrado sa Department of Health (DOH). Malinaw na mayroon pang espasyo para sa isa pang testing laboratory kagaya ng DLSMC COVID testing lab.
Patuloy rin ang pagbibigay ng suporta ng Meralco sa pamahalaan sa paglaban sa COVID-19. Kinabitan at binigyan nito ng koryente ang mga pasilidad para sa mga pasyente ng COVID-19. Kabilang dito ang ASEAN Convention Center sa Clark, ang mga pansamantalang treatment center na inilunsad ng DPWH sa World Trade Center, Ninoy Aquino Stadium, at Philippine International Convention Center. Kasama rin sa mga binigyan ng serbisyo ng koryente ng Meralco ang mga ospital, mga ahensiya ng pamahalaan, at mahahalagang mga institusyon na lumalaban sa COVID-19 gaya ng Emilio Aguinaldo Medical Foundation, San Pablo City General Hospital Dialysis Unit, and Silang Evacuation Center.
Upang masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo ng koryente sa mga institusyon at pasilidad na may mahalagang papel sa paglaban sa pandemyang ito, regular na iniinspeksiyon ng Meralco ang mga pasilidad nito na nagsu-supply ng koryente sa iba’t ibang ospital at health care centers gaya ng St. Luke’s QC, Skyline Hospital, Philippine Arena, NS Amorante Stadium, Quezon Memorial Circle, Philsports Complex, Vererans’ Memorial Center, Rogancio M. Mercado Memorial Hospital, at South Cembo Sports Complex. Dagdag pa rito, sinagot ng Meralco ang disinfection na isinasagawa sa Rizal Medical Center, PNP General Hospital, at iba pang opisina ng PNP.
Nagbigay rin ng suporta ang Meralco at ang One Meralco Foundation (OMF) sa Department of Energy (DOE) sa pagsasailalim ng mga empleyado nito sa COVID-19 testing. Nagbigay ng 10,000 rapid test kits ang Meralco bilang bahagi ng responsibilidad nito na tumulong sa lipunan. Ang hakbang na ito ay isinagawa ng Meralco upang masiguro na ang industriya ng koryente ay mapananatiling ligtas sa virus ngayong panahon ng pandemya. Ayon kay DOE Secretary Alfonso Cusi, kailangang magsanib pwersa ang pamahalaan at pribadong sektor sa paglaban sa COVID-19.
Mahaba pa ang ating lalakbayin bago tuluyang masugpo ang COVID-19 ngunit ako ay naniniwala na mananatili tayong matatag. Ang datos na inilalabas ng DOH araw-araw ukol sa bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay tunay na nakababahala kaya hindi tayo dapat makampante. Nariyan lang ang virus sa paligid at maaaring dumapo kanino man lalo na kung hindi mag-iingat. Ipagpatuloy natin ang palagiang pagsusuot ng face mask kapag lalabas ng bahay upang maproteksiyonan ang ating sarili at pati na rin ang ating mga mahal sa buhay.
Ang patuloy na pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor ay lubhang mahalaga upang matulungan ang bansa na makabangon at mapagtagumpayan ang laban na ito habang wala pang bakuna. Tumulong tayo sa ating sariling paaran – maliit man o malaki. Gampanan natin ang ating responsibilidad bilang mamamayan ng bansang ito.
Comments are closed.