DAHIL mahirap ang buhay para sa marami, kung minsan ay napakailap ng tinatawag na financial stability.
Dito papasok ang importansiya ng ating maliliit na ipon. Kadalasan, dahil sa dami ng gastusin ay wala tayong naitatabi, lalo na kung maliit lamang talaga ang ating kita. Pero alam mo bang hindi kailangan ng malaking kita o suweldo para makapag-ipon? Puwede mong baguhin ang katayuan mo sa buhay unti-unti, sa pamamagitan ng maliliit na halagang iyong maitatabi. Ang importante lamang ay maging consistent sa pagsusubi, hindi baleng maliit lamang iyan. Puwede itong humantong sa makabuluhang pag-unlad ng iyong kabuhayan paglipas ng panahon.
Ang konsepto ng “commitment savings” ay naglalarawan nito. Sa pamamagitan ng paglalaan ng maliliit na halaga na iyong regular na itatabi—puwedeng sa isang maliit na lalagyan o isang hiwalay na savings account—puwedeng-puwedeng bumuo ang kahit na sino ng isang safety net na lumalago sa pagdaraan ng mga araw.
Ito ay hindi lamang tutulong sa atin upang maging disiplinado sa pag-iipon, nagbibigay rin ito ng kapangyarihan o kakayahan sa bawat isa sa atin, partikular sa mga kababaihan, upang hawakan ang kanilang pananalapi.
Bukod pa rito, ang ating maliliit na ipon ay puwedeng magsilbing pananggalang laban sa mga hindi inaasahang gastos, at makatutulong para hindi tayo umasa sa pangungutang na kadalasan ay may kaakibat na mataas na interes.
Halimbawa, puwede mong pag-ipunan ang mga emergency expenses, para tiyak na mayroon kang pondo sa panahong kailangang-kailangan mo ng pera.
Sa pagpasok ng bagong taon, isagawa natin ang regular o consistent na pagtatabi ng maliit na halaga. Kahit na ito ay ₱100 lamang bawat linggo, puwedeng mag-accumulate ito at lumago paglipas ng ilang taon. Kaya huwag maliitin ang maliit na ipon, dahil maaaring ito ang maging daan para sa mas maginhawang pamumuhay sa oras ng bukas.