ANG HUNYO AY PARA KAY INANG KALIKASAN

SA wakas, narito na ang buwan ng Hunyo. Bakasyon na ang mga mag-aaral, at idineklara na ng PAGASA ang simula ng tag-ulan. Gayunpaman, nananatiling mainit ang panahon, at patuloy na dumadagsa ang mga tao sa mga resort at beach, lalo na ang mga estudyanteng kakalabas lang ng kanilang mga klase.

Ang buwan ng Hunyo ay puno ng pangako, puno ng masasayang mga pista, mga adventures kasama ang pamilya at mga kaibigan, at maraming pagkakataon upang maglibang habang pinalalalim ang ating koneksyon sa kalikasan. Oo, ang Hunyo ay para kay Inang Kalikasan, at ito nga ang tamang panahon upang palalimin natin ang ating pangako na pangangalagaan ang ating planeta.

Ang Proklamasyon Blg. 237, s. 1988, ay nagdedeklara sa buong buwan ng Hunyo bilang Buwan ng Kalikasan (Environment Month) upang tutukan ang pangangalaga at konserbasyon ng likas na yaman ng bansa. Ang unang mahalagang petsa na dapat tandaan ay ang World Environment Day sa Hunyo 5. Itinatag ng United Nations noong 1974, ang araw na ito ay naglalayong manghikayat ng pandaigdigang kamalayan at aksyon para sa pangangalaga ng ating kapaligiran.

May mga local clean-up events at mga tree planting activities na pwedeng salihan, o maaari ring magsimula ng hardin sa bahay o pagyamanin pa ang inyong hardin, kung mayroon na. Ang mga aktibidad na ito ay hindi lamang nagpapanatili ng kagandahan ng ating mga komunidad kundi nagtuturo rin sa atin, lalo na sa mga kabataan, ng kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran.

Sa Hunyo 8, ipinagdiriwang naman sa buong mundo ang World Oceans Day, isang inisyatiba ng United Nations. Ang pagdiriwang na ito ay nagbibigay-diin sa mahalagang papel na ginagampanan ng ating mga karagatan sa pagpapanatili ng buhay sa daigdig. Ito ay isa pang mabuting pagkakataon para sa mga pamilya at mga grupo na matuto tungkol sa marine ecosystem at ang mga banta rito, kagaya ng plastic pollution at overfishing.
(Itutuloy…)