(Pagpapatuloy…)
Kagaya ng pangangalaga natin sa ating pisikal na katawan upang maiwasan ang epekto ng matinding init, kailangan din nating protektahan ang ating mental health. Payo ng mga eksperto na unawain natin na halos lahat tayo ay may pinagdaraanan. Mahalaga rin na maging mabait tayo sa ating mga sarili. Halimbawa, normal lamang na kung minsan ay mataas ang emosyon o kung minsan ay apektado ang ating trabaho.
Sa halip na itulak nang sobra ang ating mga sarili, pwedeng magpahinga rin at mag-relax. Ang pagme-meditate at pagsasagawa ng iba’t-ibang breathing exercises ay ilan lamang sa mga paraan na maaaring makatulong sa atin sa pag-kontrol ng damdamin at reaksyon.
Sa paghahanda ng mga komunidad para harapin ang tag-init at sa pagsasagawa ng mga programa kaugnay nito, kailangang siguruhin ng ating mga pinuno at ng mga healthcare professionals na bahagi ng plano ang mental health ng publiko. Kasama na rito ang pangangalaga sa mga bulnerableng miyembro ng ating mga komunidad. Kailangang maituro sa publiko kung paano nila aalagaan ang sarili—sa pamamagitan ng pag-inom ng sapat na tubig, pagsusuot ng tamang damit, at pamamalagi sa ligtas na lugar. Makakatulong din ang mga talakayan sa loob ng mga climate-focused groups, ayon sa ilang eksperto.
Nananawagan din sila sa mga awtoridad na maging mas aktibo sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mas mataas na panganib para sa mga indibidwal na may mental health problems. May pangangailangan na mabigyan ng impormasyon hindi lamang ang mga pasyente mismo kundi pati na ang kanilang mga tagapag-alaga at mga caseworkers.
Kailangan ang malinaw na plano kung paano maaaring manatiling ligtas ang lahat sa mga araw na sobra ang init. Dapat sundin ng publiko ang mga karaniwang pag-iingat, at higit pa, dahil nga sa mga kadahilanang nabanggit sa itaas.