ANG KAGANDAHAN NG PANGANGASIWA NG PRIBADONG KOMPANYA SA MGA UTILITY

Joes_take

NOONG Lunes ay opisyal nang idineklara ng PAGASA ang pagsisi­mula ng panahon ng tag-ulan. Patungkol naman sa koryente, nag-anunsiyo rin ang National Grid Corporation of the ­Philippines (NGCP) ng mga yellow at red alert kamakailan lamang dahil sa manipis na reserba ng koryente sa Luzon na nagresulta sa pagpapatupad ng rotational brownout sa ilang lugar sa Luzon.

Sa usapin ng kakulangan sa supply ng tubig sa bansa, malinaw na kailangan natin ng mga karagdagang dam at imbakan ng tubig. Gayon din sa koryente, kaila­ngan natin ng karagadagang mapagkukuhanan ng supply dahil patuloy ang pagtaas ng demand para sa koryente sa ating bansa.

Gaya ng inaasahan, ang isyu sa kakulangan ng supply ng koryente at tubig ay sinasakyan ng mga makakaliwang organisasyon at ilang mga popyulista na sinasabing dapat na ilipat sa gob­yerno ang pagpapatakbo ng mga pribadong uti­lity na sangkot sa usa­ping ito. Tila hindi man lamang pinag-aralan ang maaaring maging implikasyon ng kanilang mga suhestiyon at nais mangyari. Kailangang maintindihan ng karamihan ang kagandahan at benepisyo ng pananatili ng pangangasiwa ng supply ng tubig at koryente sa mga pribadong sektor.

Tingnan natin at suriin ang ilang mga punto at benepisyong nagsasabi kung bakit mas mainam na manatili sa panga­ngasiwa ng pribadong sektor ang operasyon ng pagsusuplay ng tubig at koryente sa bansa.

Una, kailangang maintindihan na ang pa­ngangasiwa ng pribadong sektor sa supply ng tubig at koryente sa bansa sa halip na pamahalaan ito ng gobyerno ay nagbibigay-daan sa pagkakaroon ng kumpetisyon sa merkado. Bilang resulta, naitutulak ng kumpetis­yon ang pagkakaroon ng mga makabagong ideya na nagpapabuti ng serbisyo ng mga ito sa kani-kanilang mga customer. Nakita na natin na bilang epekto ng pagkakalipat ng pangangasiwa mula sa gobyerno papunta sa pribadong sektor ay nagkakaroon ng malaking pagbabago at pagganda sa kalidad ng serbisyo nito. Bunsod ng matinding kumpetisyon sa merkado, napipilitan ang mga kompanya na magsikap upang makapagbigay ng magandang kalidad ng serbisyo sa mga customer.

Sa kabilang banda naman, ang mga pinanga­ngasiwaan ng gobyerno ay mababa ang kalidad ng serbisyo at nadadamay pa sa mga isyung politikal ng mga nasa puwesto na walang ibang inisip kung hindi ang manatili sa posisyon sa mga susunod na eleksiyon.

Ang kumpetisyon sa merkado ang nagsisilbing tulak sa mga kompanya upang paghusayan ang serbisyo ng mga ito. Kung gobyerno naman ang mangangasiwa, malaki ang posibilidad na maging kampante at petiks ang mga ito sa pangangasiwa dahil walang magtutulak dito para paghusayan ang trabaho. Ang kapangyarihan at kontrol ay nasa iisang ahensiya lamang ng gobyerno. Ibig sabihin, hindi magiging ganoon kalaki ang mga insentibo na maibibigay rito upang mapaganda ang kalidad ng serbisyo at operasyon. Samantalang kung ang institusyon ay pinanga­ngasiwaan ng pribadong kompanya, wala itong proteksiyon mula sa gob­yerno kaya mapipilitan itong iangkop ang kalidad ng produkto, serbisyo at operasyon sa mataas na pamantayan upang manatili sa merkado.

Ikalawa, ang patuloy na pagpapahusay sa operasyon at kalidad ng serbisyo ay karaniwang bahagi ng mandato ng mga pribadong kompanya kasama ang pagpapalago ng kinikita ng mga ito. Hindi rin basta-basta mapanghihimasukan ng gobyerno ang operasyon ng mga utility na nag-o-operate sa ilalim ng mga pribadong kompanya. Ligtas din sa buru­krasya at red tape ang mga pro­seso rito kaya walang hadlang sa mga desisyong kailangang gawin upang mas mapaganda ang serbisyo nito. Palagian ka­sing iisipin at ikokonsidera ng gobyerno sa paggawa ng desisyon ang mga bagay na maaaring ikagalit ng publiko at maging dahilan ng negatibong sentimiyento – mga bagay na hindi kailangang isipin ng mga pribadong kompanya.

Ang mga orga­nisasyong kumokontra sa usaping ito ay karaniwang binuo upang maisulong ang personal na interes nito o ng mga taong nasa likod ng pagkakabuo nito. Ang kanilang pangunahing tungkulin ay ang punahin ang iba’t ibang socio-economic na isyu upang maitulak ang kanilang mga interes. Isang pangkaraniwang galawan na ng mga makakaliwang organisasyon ang sumakay sa mga isyu at palakihin ito. Karaniwan ding maglalabas ito ng anggulo ng problema na siyang gagamitin nila upang mahimok ang mga tao na magalit sa gobyerno na kung iisipin lamang mabuti ay wala rin na­mang magagawang maganda para sa ekonomiya. Dalawang pangunahing sektor ang nagiging target ng mga organisasyong ito: ang supply ng tubig at ng koryente.

Bahagyang nagtagumpay sa layunin nila ang mga makakaliwang organisasyong ito dahil nakuha nila ang atensiyon ng mga mambabatas. Bali-balita na isa ang isyu sa kakulangan sa supply ng koryente sa tatalakayin sa 18th Congress habang pinag-aaralan din ang pagbabalik ng pa­ngangasiwa ng serbisyo ng tubig sa gobyerno.

Ayon sa mga kritiko, dapat ay gobyerno ang mangasiwa sa generation at supply ng koryente ngunit ang mga datos ay iba ang sinasabi at hindi maaaring magsinunga­ling. Sa ilalim ng humigit kumulang 18 taon ng batas na EPIRA, napakalaki na ng pinagbago ng power generation sa bansa. Mula sa 47 terawatt-hours (TWH) noong 2001, nasa 100 TWH na tayo noong 2018. Dahil sa lumaking kapasidad ay kumaunti rin ang bilang ng mga naitalang pagkaantala ng serbisyo ng koryente kumpara noong 90s. Ito ay malinaw na malaki at magandang pagbabago sa sitwasyon ng power supply ng bansa.

Sa usapin ng serbisyo ng tubig naman, hindi maaaring kalimutan na matapos ang pagsasa­pribado ng serbisyong ito noong 1997, bumaba ang system loss nito sa 12% at karamihan ng mga residente sa Metro Manila ay may tubig 24/7. Noong MWSS pa ang nangangasiwa rito, nasa 26% lamang ng residente ng Metro Manila ang may tubig sa loob ng isang buong araw. Ang system loss din noon ay pumapalo sa humigit kumulang 63% ng kabuuang produksiyon ng tubig.

Malinaw na may mga magagandang epekto sa kalidad ng serbisyo at sa benepisyo ng mga customer ang pananatili ng pangangasiwa ng mga serbisyo ng tubig at ng koryente sa mga pribadong kompanya. Ito ay isang bagay na dapat alalahanin ng mga makakaliwang orga­nisasyon kaysa sa paggawa ng mga isyu na hindi naman nakatutulong at mas nakakabagal pa sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

Comments are closed.