ANG KALDERO AT PA-EPEK NI DRILON

MASAlamin

TAHASANG pinatutsadahan ni 1-Pacman party-list Cong. Mikee Romero si Senate Minority Leader Franklin Drilon na isa ito sa dapat sisihin sa pagkaantala ng preparasyon para sa 30th Southeast Asian Games.

‘Di ba nga’t si Drilon ang tumapyas ng P2 bil­yon sa pondong gagamitin sana sa SEA Games na umaabot sa P9.5-B noong tinatalakay sa Senado ang 2019 national budget. Nitong buwan ng Mayo lamang naipalabas ang pondo para sa SEAG dahil naantala ito ng apat na buwan dahil sa iringan ng Kongreso at Senado tungkol sa pork issue.

Kung naipalabas sana noong Enero 2019 ang badyet, marami na sanang nagawa ang organizers nang mas maaga kagaya ng konstruksiyon sa mga SEAG venue, paghahanda sa pagkain at kung ano-ano pa. Kailangan ding sumunod ng mga organizer sa mga bidding at procurement process ng DBM na naaayon sa batas.

At hindi pa siguro nakuntento si Drilon dahil kamakailan lang ay ang cauldron naman ng SEA Games sa New Clark City ang kanyang pinagdiskitahan. Kinuwestiyon niya ang P45 milyon na ginugol sa estruktura na magsisilbing pailaw hanggang matapos ang sports event. Ang malala pa, tinawag pa nitong ‘kaldero’ ang hu­ling obra ng national artist na si Minoza. Hindi tuloy maubos maisip ng mga tao kung pinupolitika na ni Drilon ang palaro dahil sa mga binibitawan nitong akusasyon ngayon pang pormal nang magsisimula ang SEA Games.

Baka hindi naisip ni Drilon na ang mga atleta ang nababalahura sa mga pinakawalan niyang akusasyon dahil ang cauldron ay ang pangkabuuang simbolo ng tapang, gilas, puso at tatag ng atletang Filipino. Sa halip na batikusin ang simbolismo ng kanilang susuuang kumpetisyon, ‘di ba dapat sana man lang ay nagbigay ng tapik sa balikat si Drilon sa mga atletang Filipino.

At dahil sa pagpapakawala niya ng mga akusasyon, ‘di ba nga’t na-fake news at nakor­yente pa si Drilon nang akusahan niya si BCDA President Vince Dizon na manugang ni Minoza na siyang nagdisenyo sa cauldron. Ayun, kara-karakang nag-sorry kay Dizon si Drilon.

Sabihin na nating may mga aberya sa pagkain, transportasyon at accommodation ng mga atleta na excuse me po, ay nararanasan din ng mga atletang Pinoy kapag sumasabak sila sa mga international competition sa ibang bansa, dadagdagan mo pa ba ang paghila pababa sa kapwa mo Pinoy? Nakakawalang dignidad ang pagtawag na kaldero sa  cauldron. Nakakawalang gana. Nakapanghihina ng loob.

Kaya sana naman, magkaisa ang mga Filipino habang idinaraos ang palaro at tigilan muna ang mga puna at batikos. Huwag na tayong makisali sa mga fake news, bagkus ay magkaisa para sa ikatatagumpay ng SEA Games.

Laban, Pilipinas!

Comments are closed.