SA GITNA ng mga kontrobersiya sa pagpapagawa ng sinasabi nilang ‘overpriced’ na kaldero na nagkakahalaga ng P50 milyon at ang nakabimbing pagsisiyasat ng Kongreso sa hindi pagdaan sa public bidding para sa P1.5 bilyong pondo para sa pag-host ng nalalapit na 30th Southeast Asian Games, hindi pa natin nakikita kung ano ang pakinabang natin sa pag-host ng nasabing paligsahan sa susunod na buwan.
Alam n’yo ba na nauna nang tinanggihan ng bansang Brunei ang pag-host nitong 30th SEA Games dahil sa kakulangan ng pondo para rito? Malinaw naman ang matinding hamon sa pag-host nitong importanteng paligsahan na ito subalit sinalo pa rin natin ito mula sa Brunei, at nagsubi pa nga tayo ng halos P7.5 bilyon para sa okasyong ito kung saan P6 bilyon ang manggagaling sa pondo ng gobyerno, samantalang ang natitira naman ay kukunin mula sa iba’t ibang sponsorship agreements na makakalap ng Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc).
Ito na ang pang-apat na pagkakataon kung saan tayo ang magho-host nitong paligsahan na ito. Marahil ay may mga mag-iisip kung bakit ang isang bansa na mukhang hindi na magkandaugaga sa problema at iba pang mga prayoridad ay gagastos pa nang malaki para maging host nitong palarong ito.
Sa aking pananaw, isang magandang pamumuhunan ito para sa ating bansa upang maitatag at magpakilala bilang isang premier sports destination. Kaugnay nito, dapat mapaghandaang maigi ang mga lugar kung saan idataos ang 56 na iba’t ibang palaro, na naitala bilang pinakamarami sa kasaysayan ng paligsahang ito.
Nagpagawa ang administrasyon ng isang malaki at world-class na sports complex sa New Clark City, kung saan matatagpuan ang state-of-the-art na Aquatics Center at Athletics Stadium, pati na rin ang Athletes’ Village kung saan manunuluyan ang mga atleta at iba’t ibang mga personalidad ng 30th SEA Games.
Mula sa isang economic standpoint, ang pagtayo ng New Clark City ang naging hudyat sa pag-develop ng Clark Freeport and Special Economic Zone para maging mainam na lugar para sa mga bagong negosyo at mga opisina ng pamahalaan. Ang nasabing modernong sports facilities na itinayo sa lugar na ito ay siguradong magiging mainit na tourist spots sa mga darating pang mga taon. Dahil dito, siguradong magiging kilala bilang isang premier sports venue ang Filipinas, hindi lang para sa mga lokal na atleta at mga paligsahan, kung hindi pang international sports events na rin.
Mapalad nga talaga tayo dahil napili tayo upang mag-host nitong makasaysayang paligsahang ito dahil siguradong magiging sentro tayo ng atensiyon, ‘di lang ng ASEAN region kung hindi ng buong mundo, kung saan makikita nila ang kakayahan ng ating mga atleta, pati na rin ang kakayahan ng ating bansa na mag-host ng ganito kalaking paligsahan.
Ang kakaiba rito sa SEA Games na ating iho-host ay ito ang kauna-unahang pagkakataon kung saan magkakaroon ng decentralization ng paligsahan, ibig sabihin nito ay ikakalat ang venue ng iba’t ibang paligsahan sa apat na clusters sa Luzon. Dahil dito ay mapatutunayan din natin na kayang-kaya nating mag-host sa iba’t ibang lugar kung kakailanganin man ng isang malaking patim-palak.
Nang dahil sa paligsahang ito ay umaasa tayong maeengganyo ang buong delegasyon ng 11-member nations ng SEA Games para mamasyal sa mga top tourist destination sa bansa matapos ang paligsahan, at marahil ay pag-uwi nila sa kani-kanilang mga bansa ay maikuwento ito sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak na siya namang makaaakit ng iba pang mga turista o maghihi-kayat ng mga investor upang magtayo ng negosyo sa bansa.
Isa pang mapatutunayan natin sa pag-host nitong kumpetisyong ito ay ang kakayahan ng kasalukuyang administrasyon na pangunahan at pangasiwaan ang isang malaking okasyong katulad nito. Ito ay patotoo sa ‘Build Build Build’ agenda ni Pangulong Duterte, patunay rin sa kanyang nais na mapunta tayo sa isang golden age of infrastructure, na hindi ito puro salita o plano lamang.
Sa tingin ko ay hindi pa mawawala sa balita ang mga pagpuna kung bakit kailangang umabot sa halagang P50 milyon ang kalderong gagamitin para sa torch lighting ceremony. Pero hindi ito ang tamang panahon para gawin ito o pairalin ang crab mentality. Marahil ang dapat gawin sa panahong ito ay suportahan natin ang mga atleta nating lalahok sa SEA Games upang magampanan nila ang kani-kanilang mga paligsahan at makamit ang pinapangarap na gintong medalya. Dapat ay magtulong-tulong tayo dahil ang panalo nila ay panalo ng buong bansa.
Kahit na napangungunahan ng kontrobersiya ang pangyayaring ito ay naniniwala ako na kaya nating lampasan ang mga bahid na ito at magkaisa para suportahan ang SEA Games, lalo na ang mga atleta natin. Ito ang isa sa pinakamagandang pagkakataon para makaakit ng mga potensiyal na inverstors at mga turista sa bansa.
Ang paparating na SEA Games ay ang tamang panahon para mabigyan ng bagong buhay ang ating sports program at mga atleta, pati na rin ang ating ekonomiya at turismo. Napakagandang pangwakas ito para sa taong 2019, at maganda ring pampabuwenas para sa darating na taong 2020.
Comments are closed.