HALOS mag-iisang buwan na mula nang ipatupad ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ) upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa ating bansa.
Nakatakda sanang matapos ang ECQ sa ika-14 ng Abril ngunit dahil sa patuloy na paglobo ng bilang ng mga positibong kaso ng nasabing virus ay nagdesisyon ang ating pamahalaan na mas pahabain ang ECQ hanggang sa katapusan ng Abril.
Maituturing na isa sa mga pinakamatinding dagok, hindi lamang sa ating bansa kundi pati sa buong mundo, ang pandemyang ito. Maging ang ibang bansa na mas mayaman sa atin ay iniinda ang hirap sa pagpigil sa COVID-19. Maging sila ay iniinda na ang epekto ng pandemyang ito sa kanilang ekonomiya. Sa katunayan, ayon sa International Monetary Fund (IMF), nag-umpisa na ang ‘recession’ ng ekonomiya sa internasyonal na lebel.
Noong ika-9 ng Abril ay tumuntong na sa higit sa apat na libo ang bilang ng mga positibong kaso ng COVID sa bansa. Ayon sa mga bagong balitang lumalabas ukol sa COVID-19, maging ang mga may puwesto sa gobyerno at mga artista ay nakakakuha ng sakit na ito. Ito ay patunay na walang sinisino ang COVID-19 – maging mahirap man o mayaman, maimpluwensiya man o normal na mamamayan.
Nakagagaan sa kaloobang malaman na umuulan ng suporta at tulong para sa ating mga dakilang frontliner. Kabi-kabila na ang mga donasyon ng mga pagkain at PPE sa kanila pero paano nga ba ang suporta para sa mga dinapuan ng virus?
Maaaring hindi tayo kasing unlad ng ibang bansa at marami pang paraan upang mas mapagtibay ang ating sistemang pangkalusugan ngunit isang magandang balita ang ipinahatid ng Philhealth sa ating lahat ukol sa pagsagot ng gastusin sa pagpapagamot ng mga pasyenteng may COVID-19.
Noong ika-18 ng Marso, ilang araw lamang matapos ipatupad ang ECQ, ay inanunsiyo ng ahensiya na magbibigay sila ng kabuuang halaga na P30 bilyon sa mga ospital na accredited nito. Ang halagang ito raw ay katumbas ng kabuuang claim ng mga ospital sa loob ng tatlong buwan base sa kanilang mga datos. Kinakailangan lamang na maghanda ng letter of intent ang mga ospital upang makakuha nito. Ang perang ito ay gagamitin sa paggamot ng mga pasyenteng may COVID-19.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ni Philhealth President and CEO Ricardo Morales, “Philhealth rests on solid ground and with sufficient liquidity to support Government’s efforts to fight the COVID-19 threat. These are extraordinary times that require extraordinary measures, and this arrangement will surely be of help in President Rodrigo Duterte’s re-solve to avert the spread of the virus.”
Ika-2 ng Abril nang ianunsiyo ng Philhealth na sasagutin nito ang gastusin sa pagpapagamot ng lahat ng pasyente hanggang sa ika-14 ng Abril. Nang hingan ng paliwanag ukol sa binitawang deadline, ito raw ay dahil bagong klaseng sakit ang COVID-19 kaya wala pa silang naihandang ‘package’ o ‘case rate’ para sa sakit na ito at tinatayang sa ika-14 ng Abril ay magkakaroon na sila ng sapat na datos upang makapagtakda ng halaga ng coverage.
Ngunit nito lamang nakaraan ay inanunsiyo na nga ng Philhealth ang halaga ng coverage na base sa kalagayan ng pasyente. Ito ay ipatutupad simula sa ika-15 ng Abril. Ang mga kaso ng Mild Pneumonia ay may coverage na nagka-kahalagang P43,997; ang Moderate Pneumonia naman ay P143,267; ang Severe Pneumonia ay P333,519; at ang may Crit-ical Pneumonia ay may coverage na hanggang sa halagang P786,384. Ayon kay Morales, bagaman may sapat na budget ang ahensiya ay hindi naman daw ito maaaring ubusin. Sa kasalukuyan, sa halagang P30 bilyon na inilaan nito para sa mga pasyenteng may COVID-19, nasa P6 bilyon na ang nagagastos nila rito. Ang pigurang ito ay ayon sa kanyang pahayag na lumabas noong ika-8 ng Abril.
Hindi maitatangging napakalaking tulong ng inilaang budget na ito lalo na para sa mga tinamaan ng COVID-19 na walang sapat na budget para makapagpagamot. Bunsod ng hakbang na ito ng Philhealth ay nakasisiguro na ang sinuman na dapuan ng nasabing virus ay matutulungan sa gastos sa pagpapagamot.
Ang isa pang mas magandang balita ay kahit ang mga miyembro ng Philhealth na hindi kumpleto ang bayad sa kontribusyon ay makatatanggap pa rin ng tulong pinansiyal para sa pagpapagamot. Bunsod ng pandemya ay pansamantalang inihinto ng Philhealth ang pagpapatupad ng mga polisiya nitong ukol sa mga kwalipikasyon para makakuha ng benepisyo. Batid ng ahensiya na sa ganitong klaseng emerhensyang pangkalusugan ay mahalagang ang lahat ay mabigyan ng kinakailangang serbisyong medikal. “Saka na tayo magbilangan. Ang importante mabigyan muna ng tulong,” ang mis-mong salita ni Morales.
Tama si Morales na ang importante ngayon ay ang matulungan ang mga nangangailangan maging pasyente man ito o frontliner. Madaling kitain ang pera ngunit ang buhay, kapag nawala, ay hindi na mapapalitan o maibabalik pang muli.
Magaan sa loob isipin na hindi man tayo sing-yaman ng ibang bansa ay hindi pa rin ito naging dahilan upang mapabayaan ang kalusugan at kaligtasan ng mamamayan lalo na ngayong may pandemya. Nakasisiguro na mapa-mahirap o mayaman ay may maaasahang tulong medikal at pinansiyal mula sa ating pamahalaan.
Pasasaan ba’t matatapos din ang kalbaryong ito na dulot ng COVID-19. Pagdating ng araw na iyon, ako ay naniniwala na mas lalong magkakaisa ang mga Filipino upang sama-sama at sabay-sabay na maibangon ang sarili at ang ating ekonomiya.
Comments are closed.