Nenet L. Villafania
Anitería ang tawag sa pagsamba sa mga anito. Sila ang mga katutubong dumadalangin at nagbibigay-pugay kay Bathala, iba pang mga diyoses, mga espiritu ng mga ninuno at mga anito.
Si Bathala Maykapal pa rin ang kinikilalang supremo o pinuno ng mga diyoses. Siya ang lumikha ng langit, lupa at uniberso, at siya rin ang namamahala dito.
Naniniwala ang mga sinaunang Filipinos sa pag-iral ng mga kaluluwa at espiritu sa daigdig, na hindi nakikita ng hubad na mga mata. Naniniwala rin silang may mga espiritu at anito kagit saang lugar – mula sa mga makapangyarihang diyoses hanggang sa mga mumunting espiritung naninirahan sa mga halaman, puno, bato o ilog.
Napakalaki ng mundo at ng kalawakan kaya kailangan ni Bathala ang mga makakatulong – ang iba pang diyoses at mga anito. Iisa-isahin natin silang kilalanin, ngunit sa ngayon, sapat nang malaman muna natin ang kanilang pangalan.
Si Agwe ang diyos ng tubig. Ang tubig ay buhay. Siya ang tagapamahala ng dagat at karagatann sa buong kapuluan ng Pilipinas.
Magwayen ang pangalan ng diyos ng kabilang buhay. Siya rin ang unang diyos ng karagatan. Siya ang tagahatid ng mga kaluluwa mula sa daigdig patungong Sulad kung saan naghahari si Sidapa. Isinasakay niya ang mga kaluluwa sa bangka. Si Diwatang Pandaki naman ang tagatubos ang mga kaluluwa kung hindi pa ito nakararating sa Sulad.
Dadalhin muna niya ang kaluluwa sa Saad upang maihanda sa pagbabalik sa lupa.
Ngunit maaari lamang sagipin ang kaluluwa kung hindi pa ito nakararating sa Sulad. Si Sidapa ang diyos ng buhay at kamatayan, na sinasamba ng marami dahil sa angking ganda ng katawan at mukha. Minamahal niya si Bulan. Dati siyang kaniig ni Kaptan, ang Diyosa ng Kalangitan, ngunit nabago ang lahat nang umibig siya kay Bulan. Minsan sa isang buwan ay kinukuha niya si Bulan na kanyang asawa at natutulog silang magkayakap sa tukton ng Bundok Madya-as.
Sinasamba rinn ng mga ninuno natin ang diyosa ng buwan na si Mayari na sinasabing siyang pinakamagandang diyosa sa lahat. Si Mayari at si Bulan ay iisa lamang. Anak siya ni Bathala at ng isang babaing mortal. Kakambal niya si Apolaki na itinalagamg maging diyos ng araw.
Maraming kaaway si Bathala, ngunit ang pinakamatindi sa lahat ay si Sitan, ang bantay ng Kasamaan at tagapangalaga ng lahat ng kaluluwang masama. Nais niyang ibulid ang tao sa kasalanan at kamatayan. Kung sa mga kwentong Katoliko, si Sitan ay si Satanas.
Si Anagolay naman ang diyosang dapat lapitan kapag may nawawalang mga bagay. Dati siyang napakagandang babaing mortal na naibigan ni Bathala, ngunit dahil isinilang niya ang dalawang diyoses, sina Mayari at Apolaki, binigyan siya ng kapangyarihan upang pumantay sa mga mabababang diyoses. (MAY KARUGTONG). nlv