ANG MGA KARAPATAN SA NAGBABAGONG PANAHON

Ang kauna-unahang Digital Rights Summit, na pinamagatang “Unplugged: Digital Justice Beyond the Screen,” ay ginanap sa UP Diliman nitong Disyembre 7, 2024.

Ito ay inilunsad ng Philippine Digital Justice Network at Computer Professionals’ Union, kaagapay ang College of Science sa UP Diliman. Layunin ng summit na ito na talakayin ang mga mahalagang isyu ukol sa digital rights sa gitna ng patuloy na paglawak ng ating tinatawag na digital landscape. Nagsama-sama ang mga tagapagtaguyod, eksperto, stakehol­ders, at mga miyembro ng komunidad upang talaka­yin ang mga im­plikasyon ng teknolohiya sa lipunan at tuklasin ang mga paraan upang matiyak na ang mga karapatan ng bawat isa ay mapangangalagaan.

Habang ang mundo ay patuloy na nalulubog sa napakaraming makabagong teknolohiya, nagiging mahalaga rin na tukuyin at protektahan ang ating mga karapatan (digital rights). Ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ay nagpapabago kung paano tayo namumuhay, nakikipag-ugnayan, at nagtatrabaho, kaya naman napakahalaga na magkaroon ng malinaw na mga alituntunin na magtatanggol sa ating mga karapatan.

Ang digital rights ay sumasaklaw sa ilang batayang kalayaan na mahalaga upang magkaroon ng isang makatarungang lipunan na may pagkakapantay-pantay. Kabilang sa mga karapatan na ito ang kalayaan na magpahayag ng ating opinyon, ang karapatan na ma­kipag-ugnayan nang malaya, at ang karapatan na magkaroon ng seguridad at pribadong buhay (privacy). Bukod dito, karapatan ng bawat isa na magkaroon ng disenteng hanapbuhay at komportableng pamumuhay, pati na rin ang pagkakaroon ng sapat na kontrol sa teknolohiyang ating ginagamit.

Kapag ang mga karapatang ito ay pinangangalagaan, nagkakaroon ng higit na kapangyarihan ang mamamayan, at nagiging mas inklusibo ang ating lipunan.

(Itutuloy…)