ANG MVP NG TAOS-PUSONG PAGKAKAWANGGAWA

Joes_take

SA MGA pinakahuling tala ng Department of Health (DOH), Filipinas na ang nangu­nguna sa pinakamaraming naitatalang active cases ng mga positibo sa COVID-19 sa Southeast Asia. Araw-araw, nasa higit-kumulang 2,000 Filipino ang dumaragdag na positive cases, at sa ngayon ay lumagpas na nga sa 80,000 na positive cases ang naitala.

Sa paglobo ng bilang ng mga kaso, pinakamalaking suliranin ngayon na kinakaharap ng bansa ang kritikal na lagay ng healthcare facilities para sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19, mga naka-quarantine at mga naghihintay ng resulta ng kanilang tests.

Tuloy-tuloy ang gob­yerno sa paggawa ng paraan para masolusyonan ito at nangangalap ng dagdag pondo para sa mas maraming testing kits, ayuda para sa mga apektado ng pan­demya at suporta sa iba’t ibang napinsalang sektor. Humingi na rin ng tulong ang gobyerno sa pribadong sektor para umalalay.

Isa sa mga tumugon sa panawagan ng gob­yerno ang grupo ng mga ospital at kompanya na pag-aari ni Manuel ‘Manny’ V. Pangilinan o kilalang MVP sa publiko at sa business community.

Nagsisimula pa lang na tumaas ang positive cases sa bansa ay inatasan  na ni MVP ang lahat ng ospital na pag-aari ng Metro Pacific Hospital Holdings Inc. (MPHHI) na mag-allocate ng 20-30% ng kapasidad nito para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Ang MPHHI ang nagpapatakbo ng pinakamalaking grupo ng mga ospital sa buong bansa. Kabilang dito ang Makati Medical Center (MMC), Davao Doctors Hospital, Cardinal Santos Medical Center, Ri­verside Medical Center (Negros Occidental), Our Lady of Lourdes Hospital, Asian Hospital and Medical Center, De Los Santos Medical Center, Central Luzon Doctors Hospital (Tarlac), West Metro Medical Center (Zamboanga), Manila Doctors Hospital, Sacred Heart Hospital of Malolos, Marikina Valley Medical Center, Dr. Jesus C. Delgado Memorial Hospital, St. Elizabeth Hospital (General Santos), Manuel J. Santos Hospital (Agusan del Norte) at Los Baños Doctors Hospital.

Kamakailan ay nakipag-ugnayan si MVP kina Health Secretary Francisco Duque III at testing czar Vince Dizon at ipinangakong itutuloy ang 30% bed allocation sa mga ospital nito para matugunan ang dumaraming kaso ng COVID-19. Pinasimple rin ang proseso upang makapamahagi ng sapat na dami ng PPE para sa 16 na ospital ng MPHHI, at nagdagdag na rin ng mga nurse para umayuda sa mga pasyente. Pinaigting din ni MVP ang COVID testing capacity sa mga ospital na hawak nila. Sa ngayon, target ng grupo na makapagtala ng 2,000 na tests sa isang araw sa buong network.

Higit pa rito, ipina­ngako rin ni MVP sa DOH na tuloy-tuloy ang pagtulong ng grupo para matapos ang 250-bed CO­VID-19 hospital sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, na mayroon ding ICU beds at mechanical ventilators.

Isinaisantabi na rin ni MVP at ng MPHHI ang kumpetisyon sa ibang ospital, at pinatunayan ito nang magsagawa sila ng libreng webinar para sa lahat ng medical professionals sa bansa. Sa webinar na ito ay tinalakay ang kaligtasan ng mga pas­yente sa ‘new normal’ dulot ng pandemya. Layon ng MPHHI na mamahagi ng dagdag kaalaman sa lahat ng mga healthcare worker, hindi lang sa network nila, kundi sa lahat ng ospital sa buong bansa. Higit 550 na medical professionals ang nakilahok, mula Ilocos hanggang Zamboanga at positibo ang naging tugon nila sa nasabing programa.

Bukod sa grupo ng mga ospital, ang iba pang mga kompanya na hawak ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) ni MVP ay tuloy rin sa pakikipagtulungan sa gobyerno at nagpapaabot ng lingap sa mga naapektuhan ng ­COVID-19.

Sa pamamagitan ng iba’t ibang advocacy programs ay walang tigil na nagpapaabot ng tulong ang Meralco, PLDT-Smart, Mediaquest, Maynilad, Metro Pacific Tollways, Light Rail Manila Corporation at iba pang mga kompanya sa ilalim ng MPIC. Kinilala ni Pangulong Duterte ang pagtulong na ito ni MVP, at sa isang ulat, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ay umabot na ng P6.5 billion  ang halaga ng donasyon ang naipamahagi ng mga kompanya ni MVP mula nang mag-umpisa ang pandemya. Bukod pa rito ang kumpleto at maagang binayaran na taxes at concession fees. Sa kabuuan, sinabi sa ulat na sa tally ni Roque, umabot na sa P20 billion ang ayudang naibigay ni MVP at mga kompanya nito.

Ngayong panahon ng paghiihirap, takot at alinlangan, ang taos-puso, walang pag-aalinlangan at walang hinihintay na kapalit na pagtulong na tulad ng ginagawa ni MVP ang kailangan natin. Lubos na pasasalamat ang nararapat sa mga lider na katulad niya na handang isantabi ang kita para sa kapakanan ng publikong pinaglilingkuran nila.

Comments are closed.