ANG NAPAPANAHONG PAGBUBUKAS NG LRT-1 CAVITE EXTENSION

Noon, ang pagbiyahe mula sa hilagang bahagi ng Metro Manila, gaya ng Quezon City, patungo sa katimugang bahagi ng Metro Manila ay nangangahulugang kailangang mag-bus pa­tu­ngong Baclaran. Tapos, lilipat ka pa sa ibang bus o FX/jeep para makarating sa iyong destinasyon.

Pinalala pa ang biyahe ng matinding trapik at ng pakikipagbalyahan o pisikalan sa mga tao na gaya mo rin ay desperadong makasakay sa iilang mga bus na bumibiyahe.

Malaki ang pagbabago sa kalakarang ito nang buksan ang pinaka-aabangang Phase 1 ng LRT-1 Cavite Extension project noong Nobyembre 16, 2024. Ka-partner nito ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), na binuksan naman noong 2018, sa pagbibigay-ginhawa sa mga commuters sa Metro Manila, pati na rin sa mga sumasakay ng bus mula sa probinsya, at yaong mga nagji-jeep, taxi, at UV Express shuttle.

Ang mga transportation infrastructure na ito ay nagbibigay ng mas mabilis, mas epektibo, at mas komportableng paraan ng pagbibiyahe sa ating lahat. Inaasahan din na ang LRT-1 extension ay magpapagaan ng siksikan sa kalsada.

Ang bagong bukas na Phase 1 ng LRT-1 Cavite Extension, bagamat hindi pa talaga umaabot sa Cavite, ay nakakonekta na mula Baclaran Station sa Pasay City hanggang Dr. Santos Station sa Parañaque City. Sa kahabaan ng rutang ito, limang bagong istasyon ang binuksan: Redemptorist-ASEANA Station, MIA Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Station (dating Sucat Station).

Ang extension ay bukas araw-araw mula 5:00 n.u. hanggang 10:00 n.g.

(Itutuloy…)