NAG-ULAT ang Philippine Statistics Authority (PSA) nitong ika-5 ng Hulyo na bahagyang bumaba ang inflation rate ng bansa sa 3.7 porsiyento noong buwan ng Hunyo, mula sa 3.9 porsiyento noong Mayo.
Kahit na bahagya lamang ang pagbabang ito, sapat na upang mag-isip tayo kung sadya bang nararamdaman ng karaniwang Pilipino ang epekto nito at kung kinakaya pa bang makasabay ang masa sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Nararapat lamang ang mga katanungang ito dahil iniulat din ng pamahalaan, sa parehong mensahe, na tumaas ang food inflation sa 6.5 porsiyento nitong Hunyo, mula sa 6.1 porsiyento noong Mayo.
Partikular na tumaas ang presyo ng mga gulay at karne. Apektado ng ulan ang presyo ng mga gulay, kaya habang papalapit tayo sa mga buwan ng tag-ulan, posible tayong makaranas ng patuloy pa na pagtaas ng presyo ng mga ito.
Tungkol naman sa manok at baboy, ang pagtaas umano ay maaaring maiugnay sa mga kaso ng African swine fever at ng pansamantalang pag-ban sa pag-i-import ng mga poultry products mula sa Amerika at Australia.
Tumaas din nang bahagya ang presyo ng LPG sa simula ng kasalukuyang buwan.
Ayon sa ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang pagbaba ng inflation ay dulot na rin ng deflation sa koryente, na dahilan ng pagbaba ng inflation rate sa pabahay at mga utilities. Bukod pa rito, ang mas mababang gastos sa transportasyon ay naging isa rin sa mga dahilan kumbakit bumaba ang ating inflation. Kaakibat ito ng karagdagang rollback sa presyo ng gasolina noong unang bahagi ng Hunyo.
(Itutuloy…)