BUONG mundo ang tumutok at sumubaybay sa presidential lection na ginanap kamakailan sa US. Muling tumakbo bilang pangulo sa ikalawang pagkakataon si Donald Trump para sa partido ng mga Republican. Si Joe Biden naman ang kandidato ng partido ng mga Democrat. Hindi pa man opisyal na idinedeklara ng US ngunit tila ang eleksiyon ay pumabor sa mga Democrat. Si Joe Biden na ang bagong pangulo ng nasabing bansa.
Karaniwan sa mga presidential election sa ibang bansa gaya ng Filipinas, ang pangulo ay inihahalal base sa mayoridad na bilang ng kabuuang boto ng mga botante. Iba ang sistema ng botohan sa US presidential election. Mayroon itong tinatawag na electoral vote. Bawat isa sa 50 na estado ay mayroong nakatalagang bilang ng nasabing electoral vote. Ang boto ng isang estado ay nakadepende sa boto ng mayoridad sa nasabing estado. Halimbawa, kung mas marami ang bumoto sa kandidato ng Democratic party sa estado ng New York, ang 29 electoral vote nito ay mapupunta sa nasabing kandidato.
Mula sa kabuuang bilang na 538 electoral vote na paghahatian ng dalawang kandidato, 270 na electoral vote ang kailangan upang manalo. Bagaman wala pang opisyal na deklarasyon ang kongreso ng US ukol sa opisyal na resulta ng eleksiyon, may pagtataya na ginagawa ang Associated Press at iba pang organisasyon ng media sa US ukol sa inaasahang resulta nito.
Ang Associated Press (AP) ay ang organisasyong pinakapinagkakatiwalaan ng US pagdating sa pagtataya ng resulta ng eleksiyon. Kilala ang AP sa pagbibigay ng tama at walang pinapanigang prediksiyon mula pa noong 1848. Ito ay binubuo ng mga analista ng eleksiyon at mga mananaliksik. Sa mga pagkakataong dikit ang laban sa pagitan ng dalawang kandidato, hindi nagbibigay ng prediksiyon ang AP gaya ng nangyari sa eleksiyon noong taong 2000 kung saan masyadong dikit ang laban sa pagitan nina George W. Bush at Al Gore sa estado ng Florida.
Noong ika-7 ng Nobyembre sa US, apat na araw mula noong natapos ang pagboto, idineklara na ng AP at ng iba pang miyembro ng media gaya ng CNN, NBC, ABC, Fox News, at iba pa, na panalo na si Biden sa eleksiyon. Ang malaking agwat sa bilang ng boto ng dalawang kandidato ay sapat na upang masabi kung sino ang nanalo. Ayon sa datos ng AP, nasa 290 na ang electoral vote na nakuha ni Biden at 214 lamang ang kay Trump. Gaya ng unang nabanggit, 270 electoral vote lamang ang kailangan upang masiguro ang pagkapanalo ng kandidato.
Ayon sa CNN, kapag opisyal nang idineklara ang resultang pumapabor kay Biden, si Trump ang unang presidente sa loob ng 28 na taon na natalo sa muling pagtakbo sa posisyon. Bukod sa ibang kontrobersiyang kinasangkutan ni Trump noong kanyang termino, tinatayang ang kanyang naging pagtugon sa pandemya ang isa sa mga dahilang ng pagkatalo nito. Sa katunayan, si Trump ang kauna-unahang pangulo ng US na hindi kailanman nakatanggap ng positibong approval rating habang nakaupo sa puwesto. Ang huling approval rating na natanggap ni Trump ay nasa 47%.
Umabot na sa higit 236,000 ang nasawi sa US dahil sa COVID-19. Nananatili ang US sa tuktok ng listahan ng 20 bansang may pinakamaraming naitalang positibong kaso ng COVID-19 sa bilang na higit siyam na milyong kaso. Kung babalikan, hindi naging maagap ang US sa kanilang pagtugon sa panganib ng nasabing pandemya. Hindi pinagkatiwalaan ni Trump ang mga eksperto sa mga sakit na nakahahawa gaya ni Dr. Anthony Fauci ukol sa mga abiso nito kung gaano ka-delikado ang COVID-19. Huli na ang lahat bago pa man napagtanto ni Trump kung gaano ka-seryosong usapin ang nasabing pandemya.
Marami pang ibang kinasangkutang kontrobersiya si Trump. Sa halip na mas mapaigting ang pagkakaisa ng mga mamamayan ng US, ang mga aksiyon at desisyon ni Trump ay tila nagdulot ng hidwaan sa mga ito. Sino ba ang makalilimot sa pader na pinagawa ni Trump na nagkakahalagang US$ 5.7 billion sa hangganan ng US at ng Mexico. Malaking kontrobersiya rin ang inutos ni Trump na ihiwalay ang mga batang migrante sa mga magulang nito. Ayon sa New York Times, ipinahinto ni Trump ang pagpapatupad sa nasabing polisiya noong Hunyo 2018 ngunit umabot sa 1,000 na kabataan ang nahiwalay sa mga magulang noong Hulyo 2019.
Nagpatupad din si Trump ng travel ban sa mga Muslim noong 2017. Sa ilalim ng nasabing kautusan, ang mga Muslim mula sa mga bansang Iran, Iraq, Libya, Somalia, Sudan, Syria, at Yemen ay pinagbawalang pumasok sa bansa. Layunin ng nasabing kautusan na protektahan ang bansa mula sa mga terorista na nagnanais makapasok dito. Noong 2018, nakipagtagisan ang US sa China sa isang trade war na tumagal ng higit isang taon. Ang epekto nito ay lubos na naramdaman ng mga negosyo at kompanya sa bansa dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo.
Ayon sa BBC News, marami sa mga sumuporta kay Trump noong eleksiyon noong 2016 ang nabigo at nadismaya sa mga naganap sa apat na taong termino nito. Masyado raw naging agresibo si Trump at sa halip na tugunan ang isyu ng rasismo sa bansa, tila lalo pa niya itong pinalala. Ang mga tweet ni Trump na may lamang pang-iinsulto sa mga taong iba ang lahi ang patunay rito.
Ayon sa The Guardian, ang estado ng Wisconsin na dating bumoto kay Trump noong 2016 ay bumoto kay Biden kaya mula sa pagiging Republican, ito ay pumabor sa mga Democrat. Isang natukoy na dahilan dito ay ang mataas na bilang ng mga black American na bumoto nitong eleksiyon. Ito ay pinaniniwalaang kaugnay ng malawakang protestang Black Lives Matter na naganap sa nasabing estado. Ang estado ng Michigan at Pennsylvania ay ilan din sa mga estado na dating bumoto kay Trump noong 2016 ngunit pumanig kay Biden ngayong 2020.
Sa ulat ng BBC News, sinabi nitong pagod na ang mga mamamayan ng US sa pangulong gaya ni Trump. Nais ng US na magkaroon ng pangulong disente at may normal na pag-uugali. Nais nilang mawala ang poot, galit, at hidwaan na tila pinaigting ni Trump sa kanyang apat na taong pamamalakad.
Ang matinding kagustuhan ng mamamayan ng US para sa pagbabago ang nagsilbing mitsa sa pamamahala ni Trump. Si Biden ang nakitang sagot ng mga botante sa pagbabagong kanilang hinahanap. Ang pagiging totoo ni Biden at ang kanyang kakayahang magkaroon ng kaaya-ayang koneksiyon sa mga black American ang nagdala sa kanya sa rurok ng tagumpay. Ang panalo ni Biden ay maituturing na panalo ng Amerika.
Comments are closed.