NABAWASAN ang kinang ng bitcoins sa merkado ng crypto-currency matapos ang pagbaba ng halaga nito sa unang bahagi ng taong kasalukuyan. Ngunit para sa mga namumuhunang palaging naghahanap ng oportunidad upang kumita, ibinaling nila ang kanilang paningin sa crypto futures at derivative trading platforms matapos ang pagbagsak ng crypto-currency.
Ang future, o tinatawag ding futures contract, ay isang kasunduan upang bumili o magbenta ng isang produkto sa napagkasunduang petsa. Marami ang tumitingin dito bilang paraan upang makapasok ang crypto-currency sa tradisyonal na institusyong pampinansiyal, sapagkat ito ay mas sigurado o may seguridad at mas lehitimo rin. Upang magmay-ari ng future, hindi na kailangang humawak ng coin mismo kaya’t nawawala ang peligrong ma-hack o manakawan.
Ang mga natatakot na mamuhunan sa crypto assets noon sa dahilang walang regulasyong sumasaklaw dito ay nakahanap na ngayon ng mas ligtas at siguradong paraan upang makapasok sa pamumuhunan sa crypto futures.
Ngunit marami pa ring mga eksperto sa pananalapi ang nagbababala sa mga mamumuhunang mag-ingat. Wala pa rin sa lugar ang mga regulasyon kaya’t malaki pa rin ang panganib na malugi o mawalan ng puhunan, lalo na’t kung magkakagulo sa merkado.
Laging may panganib kung papasukin mo ang isang merkadong hindi napapasailalim sa malinaw na mga polisiya at regulasyon, at hindi kasing ligtas ng mga tradisyonal na merkado kung saan ang mga namumuhunan ay protektado.
Sa tradisyonal na futures market, halimbawa, kailangang siguruhin ng mga brokerages (hindi ng mga exchanges) na may sapat silang deposito at ang tamang risk management at dokumentasyon ay nasa lugar. (ITUTULOY)
Comments are closed.