ANG PINUNONG MAKATOTOO

Joes_take

SA AKING ilang dekada bilang isang PR practitioner, pinakama­tagal at mas kilala ako bilang tagapagsalita at pinuno ng Public Information Office ng Meralco.  Bukod dito ay ako rin ang kasuluku­yang chairman ng International Association of Business Communicators o ang IABC Philippines.  Para sa akin, hindi biro ang maging isang lider dahil hindi lang naman kasanayan at kaalaman ang kailangan para mamuno, kung hindi ang makuha ang tiwala ng iyong mga katrabaho.

Kaya nga sakto rin ang tema ng aming 2019 Year-End General Membership Meeting na “Trust and the Public Ser­vant”. Malapit sa loob ko ang temang ito at talaga namang napakagandang pagkakataon ito para mapag-usapan kung ano nga ba ang tamang batayan para ma­ging isang mahusay na lingkod bayan, at paano nito makukuha ang buong tiwala ng kanyang pinaglilingkuran.

Para sa amin sa IABC Philippines, hindi lang isang pormalidad ang pagsasagawa namin ng GMM kundi hangad din namin na ang mga dadalo sa okasyong ito ay maraming matutunan mula sa aming mga deka­libreng panauhin mula sa iba’t ibang industriya na siya namang kanilang maisasabuhay sa kani-kanilang trabaho bilang mga communicator.  Marahil nga ay ito rin ang dahilan kung bakit marami ang dumadalo sa aming mga GMM. Bukod dito, nagkakaroon din ng pagkakataon para magkaroon ng mga diskusyon mula sa mga iba’t ibang isyu na kinakaharap natin ngayon.

Sa pagpaplano ng GMM para sa taong ito, maraming nagbanggit ng kanilang nais na mga maging guest speaker. Napag-usapan namin na ang dapat maging panauhin para sa aming tema ngayong taong ito ay isang magandang ehemplo ng magaling na nag­lilingkod sa bayan.  Iisa lang ang pumasok sa aming isipan na swak para sa temang ito. Walang iba kung hindi si Mayor Isko Moreno ng Lungsod ng Maynila na siyang hot topic dahil na rin sa mga pagbabagong kanyang isinasagawa para sa kanyang siyudad.

Maraming dahilan kung bakit kakaiba si Yorme Isko bilang isang pinuno. Pero ang talagang hina­ngaan ko sa kanya ay ang kanyang pagiging totoo at kanyang mapagkumbabang estilo sa politika.  Bilang sagot sa isang katanungan tungkol sa mga lumalabas na online news, nabanggit ni Mayor Isko na ang kanyang mga post at update sa social media ay organic at hindi gawa-gawa lang para makakuha ng mara­ming reaksiyon o mga comment.  Ibang-iba nga naman ito lalo na sa panahon ngayon kung saan naglipana ang fake news at eksaheradong mga impormasyon.

Binanggit niya na naniniwala siya na dapat ay laging aksiyon muna bago salita.  Dahil kung magpo-focus tayo sa pagkilos ay ang resulta na nito ang magsasalita para sa iyo.  Hindi mo na kailangan pa ng mga palabok sa pagbabalita o pag-post sa social media, dahil ang magandang resulta nito ay papatok at pag-uusap-usapan na.

Maraming sumang-ayon kay Yorme Isko mula sa mga dumalo sa GMM lalo na nang kanilang maintindihan kung paano siya magtrabaho at kung paano siya makipag-usap sa kanyang mga pinamumunuan  at mga pinaglilingkuran.  Importante na bukas ang komunikasyon sa gitna ng lahat, lalo na kung ang pakay mo ay makuha ang tiwala ng mga tao.

Ibinahagi rin ni Mayor Isko ang malaking pasasalamat niya sa kanyang mga naging guro na siyang humulma sa kanya bilang isang lider. Na­gamit niya ang kanyang mga natutunan mula sa kanyang mga guro na siyang tumulong sa kanya upang tuloy-tuloy na makapaglingkod sa bayan sa loob ng 18 taon. Ito na rin siguro ang dahilan kung bakit pangarap niya na maging isang propesor at makapagturo kapag natapos na ang kanyang termino bilang mayor ng Maynila. Ganito niya binibigyang halaga ang edukasyon at ang kanyang nais na maibahagi sa mga susunod na he­nerasyon ang kanyang kaalaman.  Napakamapagkumbaba talaga ni Mayor dahil hindi na siya naghahangad pang maghanap o makakamit ng mas mataas pang posisyon sa politika, at talagang nais lang niyang mag­lingkod para sa kanyang inang bayan.

Ipinahayag din niya na tutol at ayaw niya sa anarkiya, korupsiyon, at paniniil o tyranny, at ang kanyang prayoridad bilang isang lingkod bayan ay ang masolusyunan at maisa­ayos ang pamamalakad sa Lungsod ng Maynila, dahilan para lalo pa itong umunlad.

Sang-ayon ako sa sinabi ng aking kaibigan at IABC Philippines president na si Belle Tiongco na si Mayor Isko ay hindi lang puro press release, kung hindi siya ay para sa napapanahon at wastong implementasyon.

Makaaasa ang lahat na sa pamamagitan namin at ng aking mga kasama sa IABC Philippines, ay ipagpapatuloy namin ang pag-aadbokasiya ng katotohanan.  Isang patunay rito ay ang mga tema ng katatapos lang na Philippine Quill at Student Quill awards na “Express Your Truth” at “Shape the Future”.

Hanggang sa abot ng aking makakaya, aking ipaglalaban bilang isang communicator na ang impor-masyon na maikakalat ay wasto at pawang katotohanan lamang, dahil dito lang natin masisiguro ang marangal at matuwid na kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.

Comments are closed.