ANG TUBIG AY BUHAY

Joes_take

ALAM ba ninyo na kaya ng tao na mabuhay ng mas matagal na panahong walang pagkain kaysa walang tubig? Kailangan natin ng tubig higit sa lahat dahil ito ang nagpapawi ng pagod at ng uhaw, nag­lilinis ng ating katawan, kainan, at palikuran. Ang kalinisan ay ‘di magagawa kapag walang tubig.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat ang nangyayaring krisis sa supply ng tubig. Nakahahabag isipin ang mga apektadong konsyumer, lalo na yaong mga may sakit at mga nasa ospital. Napakatindi na ng epekto ng kakulangang ito sa supply ng tubig sa mga konsyumer. May ilan akong mga kakilala na hindi na nakapapasok sa trabaho dahil dito. Mayroon ding hindi makapaglaba ng mga damit kaya wala na ring maisuot. Hindi naman lahat ay may kakayahang umarkila ng kuwarto sa mga hotel o bumili ng mga bagong damit bilang solusyon sa sitwasyon. Ang iba ay dumarayo pa sa lugar ng mga kaibigan upang makiligo o nakikiligo sa opisina. May napabalita pa ngang ang mga residente ng isang condominium sa Mandaluyong, na isa sa pinakaapektadong lungsod ng nasabing krisis, ay nag-iigib na ng tubig mula sa swimming pool nito upang magamit sa banyo.

Isa rin sa mga malalang naapektuhan ng kawalan ng tubig ay ang mga mali­liit na mga business gaya na lamang ng coffee shop malapit sa amin na kung hindi sarado ay napipilitang magsara nang maaga dahil sa kawalan ng tubig. Kawawa naman ang mga empleyado, may-ari, at pati ang mga konsyumer nito. Wala nang magawa ang mga may-ari nito kung hindi magsara pansamantala kaysa hayaang bumaba ang kalidad ng serbisyo at limitado ang mga pagkain na maaari nilang maibigay sa mga konsyumer. Napakalaki talaga ng epekto nito sa kalidad ng buhay at sa pagiging produktibo ng mga tao.

Sa ngayon, kailangan ng mga konsyumer ang lahat ng tulong na kakayaning ibigay ng Manila Water, na siyang may sakop sa mga lugar na nawawalan o walang supply ng tubig. Lubos kong hinahangaan ang ginawang pag-amin sa na­ging pagkukulang at sa paghingi ng dispensa sa publiko ng presidente ng kompanya na si Ferdinand dela Cruz sa Congressional hearing na idinaos nitong  ika-18 ng Marso. Bilang konsyumer na apektado ng krisis na ito, hindi ko maitatanggi na nakagaan sa ­aking kalooban ang pagpapakum­babang ginawa ni Dela Cruz sa ngalan ng Manila Water.

Malaki rin ang pasasalamat ko at ng iba pang mga apektadong konsyumer sa mga lokal na pamahalaan at sa Maynilad na nagpapaabot din ng tulong upang maibsan ang matinding epekto nitong krisis sa supply ng tubig.

Ayon sa ibang mga report, ang nangyayaring krisis sa supply ng tubig sa ilang lugar sa Metro Manila ay hindi konektado sa El Niño. Nasa normal na lebel pa ang tubig sa Angat Dam. Ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at sa National Water Resources Board (NWRB), nasa 200 meters ang tubig sa Angat Dam at bago pa ito makapagdulot ng karagdagang problema sa supply ng kor­yente ay kailangan maging tuloy-tuloy ang pagbaba ng lebel nito sa loob ng susunod na isang daan at dalawampung araw.

Sa gitna ng krisis, isang pagsaludo sa Maynilad pati na rin sa mga lokal na pamahalaan na siyang nagpupursiging tumulong sa mga apektadong konsyumer. Kung lilibot ka sa Mandaluyong, Pasig, at sa iba pang mga lugar na apektado ang supply ng tubig ay makikita ang mga trak ng bombero at mga trak ng Maynilad na nagrarasyon ng tubig sa mga apektadong komunidad.

Ang Maynilad ay magbibigay ng 50 milyong litro ng tubig kada araw sa Manila Water pati sa mga customer nito. Talagang ka-bilib-bilib ang ipinakikitang pagtulong ng Maynilad. Nawa’y magsilbi silang huwaran sa iba pang malala­king kompanya na sa oras ng krisis, makipagtulungan sa mga konsyumer at iba pang kompanya lalo na kung alam na malaki ang maaaring maiambag nito bilang solusyon sa sitwasyon.

Ilang mga solusyon – pansamantala at pangmatagalan – ang nabanggit ng MWSS sa krisis ng supply sa tubig. Maaari raw buhayin ang mga deep well bilang pansamantalang solusyon. Ang nakikita nilang solusyon na pangmatagalan ay ang pag-uumpisa ng paggawa sa Kaliwa Dam na popondohan ng bansang China na sinasabing matatapos at maaaring mapakinabangan sa 2023. Ngunit patuloy ang pagkaantala ng progreso nito dahil sa oposisyon mula sa mga environmentalist at mga residente ng Quezon.

Umabot na sa kritikal na 68.85 meter ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam at base sa mga balita mula sa mga pahayagan, tina-ta­yang tatagal pa ito sa buong panahon ng tag-init. Ngunit mayroon namang mga kumakalat na balita ngayon na sa pagtatapos ng buwan ay madaragdagan na ang supply. Noong nakaraang linggo, base sa mga balita, hindi magiging malaki ang epekto ng kaku-langan ng supply na siyang taliwas sa nangyayari ngayon dahil patuloy na tumitindi ang epekto nito sa mga apektadong residente at lugar.

Sa ganitong panahon na may krisis, napaka­importante na maging totoo sa mga pahayag upang ang mga apektadong kon­syumer ay makapaghanda at makagawa ng paraan upang maibsan ang kanilang hirap na pinagdaraanan dahil sa kawalan ng tubig.

Ang kakulangan ng tamang impormasyon ay maaaring magbunga sa pagkalat ng maling mga impormasyon o haka-haka gaya na lamang kung paano ito naikonekta ng ibang tao sa supply ng koryente sa bansa. Marami ang nag-akala na dahil nagkakaroon ng kakulangan sa supply sa tubig ay magkakaroon na rin ng kakulangan ng supply sa koryente. Bagama’t kasama ang tubig sa power mix ng ating bansa, mas­yadong maliit ang porsiyento ng kontribusyon nito upang ang kakulangan ng supply nito ay direktang makaapekto sa supply ng koryente. Kung sakali man, ang pinakamaaapektuhan nito ay ang bahagi ng Min­danao.

Bunsod nito ay nagkakaroon tuloy ng ‘unnecessary panic’ at nagdudulot ng ‘unnecessary stress’ sa mga konsyumer na nag-aakalang ang mga inaanunsiyo ng Meralco na power interruption ay may kinalaman sa krisis sa tubig. Nais kong linawin na wala itong kinalaman sa sitwasyon ng power supply sa bansa. Ang aming mga inaanunsiyo na scheduled power interruptions ay para sa pag-upgrade ng aming mga pasilidad, at iba pang aktibidades na kailangang gawin ng Me­ralco na nangangailangan ng pansamantalang pagkaantala ng serbisyo sa isang partikular na lugar sa loob ng ­ilang oras lamang. Ang mga maaapektuhang konsyumer ay nasasabihan nang maaga ukol dito.

Bilang isang kon­syumer na nangangaila­ngan ng tubig upang mabuhay, umaasa ako na magkakaroon ng agarang solusyon ang krisis sa supply ng tubig. Masyado nang malaking abala ang naidulot nito sa mga tao. Maa­aring sa ngayon ay kinakaya pa ng karamihan na magtiis at magpasensiya. Nawa’y magkarooon na ito ng agarang solusyon para sa ikabubuti ng lahat.