SA Pilipinas, ang Undas ay may malalim na kahulugan. Isa itong pagkakataon upang mabigyan natin ng parangal at magunita ang ating mga yumaong mahal sa buhay. Tradisyon na ang pagdalaw natin sa kanila sa sementeryo. Nililinis at inaayos ang kanilang mga puntod, nagsisindi ng kandila, at sabay-sabay na nagdarasal.
Nitong mga nakaraang taon— lalo na noong panahon ng pandemya— unti-unting nagbago ang paraan ng paggunita natin sa ating mga mahal sa buhay. Sumasalamin ito sa mga pagbabago rin sa ating lipunan at mga personal na kalagayan ng bawat pamilya. Ngayon, ang mga tinatawag na digital spaces, environmental awareness, at mga pagbabago sa kultura ang mga bagay na humuhubog sa nagbabagong pamamaraan ng ating paggunita sa mga patay.
Noong pandemya, napilitan ang maraming Pilipino na humanap ng alternatibong paraan ng “pagdalaw” o paggunita sa mga patay. Naging praktikal na solusyon ang digital memorial at naging espasyo ang socmed upang magbahagi at magpalitan ng mga alaala, manalangin, at makipag-ugnayan sa mga kamag-anak na nasa malayong lugar.
Nauso rin ang mga virtual masses, online prayers, at maging ang digital lighting of candles. Nagbigay-daan ito upang ligtas nating magunita ang ating mga yumao. Mainam din ang paraang ito para sa mga kaanak na hindi makauwi. Ang internet ang nagsilbing tulay upang mapanatili ang koneksyon sa tradisyon ng bawat pamilya. Hanggang ngayon, kahit balik na tayo sa normal, marami pa rin ang gumagawa nito dahil sa iba’t-ibang kadahilanan. Ilan na nga riyan ang pagiging malayo ng sementeryo, kawalan ng panahon o badyet para sa biyahe, o pag-iwas sa siksikan sa sementeryo at traffic sa daan.
Bagama’t maaaring naiiba ang paraan ng paggunita ng ilang mga Pilipino sa ngayon, nananatili pa rin ang puso ng tradisyon: pag-alala, pagmamahal, at ang mga koneksyong hindi nabubura ng panahon at distansiya.