ANGELINE QUINTO, SECRET BF NAGKAKALABUAN

HINDI pa naipapakilala si sec­ret boyfriend na nakabuntis sa kanya, nagkakalabuan na yata sila ni Angeline Quinto. Ano, hindi man lamang hinintay na makapa­nganak ang Kapamilya singer bago sila maghiwalay?

Siya at ang kanyang non-showbiz boyfriend ay nagpasiyang mag-live-in nang magbuntis siya. Magwa-walong buwan na ang kanyang tiyan at ilang linggo na lang ay manganganak na siya. Isinama niya ito sa kanyang maternity shoot, pero sapilitan lang daw ito. Nauunawaan naman niya ito dahil iniingatan nga nila ang identity ng ama ng kanyang anak. Pero ayon sa mga Mari­bel ng bayan, si Nonrev Pelayo Daquina lang na na-link kay Angeline noon pang 2020.

Kung tutuusin, okay naman daw ang kanilang pagsasama pero paminsan-minsan, nagkakasamaan din sila ng loob, na natural lamang sa magkarelasyon.

Excited daw sila pareho sa pagdating ng kanilang magiging anak. Nagdesisyon daw silang magsama noong malaman nilang buntis siya dahil gusto nitong mabantayan siya habang buntis.

Aminado naman si Angeline kay Vice Ganda na paminsan-minsan ay nag-aaway sila pero mababaw lang na dahilan. Mula raw nang magbuntis siya ay naging mainitin na ang ulo niya. Nakakahiya mang aminin, may araw pa nga raw na pinalalayas niya ito pero hindi naman ito umaalis.

Lagi raw siyang iniintindi nito, dahil buntis siya kaya madali ring humupa ang inis niya.

Naiisip din daw nilang magpakasal pagdating ng araw pero hindi raw niya mamadaliin ang boyfriend. Kung siya raw ang tatanungin, handa na siyang mag-asawa pero ayaw niyang pilitin ang ama ng kanyang anak kung hindi pa ito handa.

Sa ngayon, natutuwa umano siyang may kasama siya sa bahay dahil mula nang mamatay ang kanyang adoptive mother na si Mama Bob ay lagi na siyang nalulungkot. Mula raw nang duma­ting ang boyfriend niya sa buhay niya ay muling nakumpleto ang buhay niya. KNMartin