ANGKAS PUWEDE SA FRONTLINERS

angkas

KASABAY sa implementasyon ikalawang yugto ng Modified Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at karatig lalawigan, inihayag ni Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na papayagan nila ang magka-angkas sa motorsiklo na bumiyahe pero para lamang sa mga frontliner at essential worker.

Ito ay makaraang aprubahan ng National Task Force Against COVID-19 na pinamumunuan ni Defense Secretary Delfin na alisin ang ilang  restrictions para sa  back-riding para matugunan ang kakula­ngan ng masasakayan matapos na ipagbawal ang public transportation sa ilalim ng MECQ.

“Meron kasi tayong mga medical frontliner at mga APOR na wala namang motorsiklo o hindi marunong mag-motor. So naiintindihan naman ng ating National Task Force sa pamumuno ni Secretary for National Defense Delfin Lorenzana ang mga ganitong sitwasyon kaya pinayagan ang mga driver ng motorsiklo na lumabas para ihatid at sunduin ang kanilang mga kamag-anak o kaibigan na medical frontliners, essential workers at iba pang mga kababayan natin na APOR,”ani  PLt. Gen. Eleazar.

Ayon kay Eleazar, ito ang bagong guidelines ng national task force na inilabas nitong Lunes na sinang-ayunan din ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano.

“Pag tayo ay lalabas, dapat tayo ay essential worker o tinatawag nating APOR (Authorized Person Outside of Residence). ‘Di na nating kailangan pa ang quarantine pass kasi basic ID, certificate of employment, ‘yun lang po ‘yun at puwede na kayong mag-cross sa lahat ng borders provided na work-related ang travel n’yo,” paliwanag niya.

Gayundin, tiniyak nito na malayang makabibiyahe pa rin ang mga cargo na may bitbit na essential goods sa mga boundary.

“Suspended ang movement ng ating locally stranded individuals pero pag talagang emergency, puwede po yun pero sa ngayon ang ginagawa namin mag-apply ng travel authority, iche-check naman natin kung talagang may basehan pero ‘yung maglilipat ng bahay o gamit, kung ‘di naman emergency ‘yun po ay puwedeng ipagpaliban,” ani Eleazar. VERLIN RUIZ

Comments are closed.