Kinilala siyang Anita Linda sa pelikulang Filipino ngunit ang tunay niyang pangalan ay Alice Buenaflor Lake. Isinilang siya noong November 23, 1924.
Nagkamit siya ng dalawang karangalan sa FAMAS bilang supporting actress at gayundin naman sa Gawad Urian.
Naging bida rin naman siya noong kanyang kabataan, ngunit naging mas in-demamd siya at mas nakilala sa mga mother roles at elderly roles. Sa edad na 74, tinanghal siyang pinakamatandang actress to ever win a FAMAS award — Best Supporting Actress para sa makatotohanang pagganap sa pelikulang “Ang Babae sa Bubungang Lata.”
Noong 2008, sa edad na 83, tinanghal naman siyang Best Actress sa 10th Cinemanila International Film Festival (Southeast Asia Film Competition) sa papel na Adela na binigyan niya ng buhay.
City girl si Anita Linda na isinilang at lumaki sa Pasay City. Anak siya ng isang American soldier na isa ring mining engineer at ang kanyang ina naman ay Ilongga.
Tulad ni Eddie Garcia, namatay siyang aktibo pa rin sa pelikula sa edad na 95 noong June 10, 2020 dahil sa biglaang paghinto ng puso. May dalawa siyang anak — sina Francesca Legaspi at Fred Cortez, Jr. Obviously, Fred Cortez ang pangalan ng kanyang asawa.
Bago pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (WWII), nanonood ang teenager na si Alice, ng stage show sa Avenue Theater na ang bida ay sina Leopoldo Salcedo at Lopito nang ipatawag siya sa backstage ni director Lamberto V. Doon nagsimula ang kanyang pagiging artista.
Taong 1919 nang itatag ang Philippine Cinema at 1924 naman isinilang si Anita. Limang taon lamang ang kanilang pagitan. Ipinagdiwang ang 100th year anniversary ng Philippine Cinema noong 2019 at namatay naman si Anita ilang buwang lamang matapos ang pagdiriwang.
Nitong nagdaang November 23, 2024, 100 years old na sana si Anita kung buhay pa siya. Sa kabila ng katandaan, mababanaag pa rin ang tunay niyang ganda.
Leanne Martin