ANO ANG KAHALAGAHAN NG INTERNATIONAL LITERACY DAY?

(Pagpapatuloy…)

Sa Pilipinas, ang pagpapatupad ng multilingual education (lalo na ang mother tongue-based multilingual education) ay may mga balakid, tulad ng kakulangan sa mga educational materials at kakulangan ng training para sa mga guro.

Mahalagang matugunan ang mga isyung ito upang mapakinaba­ngan nang husto ang potensyal ng ating multilingual education policy. Kailangang palakasin ng gobyerno ang suporta nito kaugnay sa karagdagang training para sa ating mga guro at ang pagkakaloob ng sapat ng resources upang matugunan ang mga panga­ngailangan sa literacy.

Ang isa pang maha­lagang aspeto ng literacy development ay ang digital literacy. Maraming mga rural areas at marginalized communities ang nahihirapan dahil sa limitadong access sa teknolohiya.

Malaki ang epekto nito sa antas ng literacy sa isang lugar. Ang mga educational platforms ay nararapat na mag-provide ng mga mater­yales sa iba’t ibang lokal na wika upang matiyak ang pagiging inklusibo ng mga ito.

 Bukod pa rito, dapat ding magtulungan ang gobyerno at ang pribadong sektor upang mapabuti ang ating digital infrastructure at magkaroon ng multilingual educational content.

Ang pagbibigay ng mas malawak na access para sa mga katutubo at marginalized groups ay sadyang napakahalaga dahil sila ang mga madalas na walang sapat na access sa kalidad na edukasyon.

Sa pamamagitan ng multilingual education, maitutulak ang literasiya habang iniingatan ang kultura at identidad ng iba’t-ibang grupo. Nakasaad sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) na kailangang may access sa kalidad na edukasyon ang ating mga katutubong grupo.

Ang pagtugon sa mga kakulangang nabanggit ay mahalaga upang matiyak ang pantay na oportunidad sa literasiya para sa lahat. Sa pamamagitan ng pagtataguyod ng multi­lingual education, maaaring mabigyan ng kakayahan ang mga katutubong komunidad, mapabuti ang mga edukasyon sa bansa, mapangalagaan ang ating mga wika at kultura, at mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay sa usapin ng literasiya.

Ang literacy ay isang pangunahing karapatang pantao na dapat maibigay sa lahat. May kakayahan itong mapalakas ang pagkakaunawaan, pagkakaisa ng lipunan, at kapayapaan.