ANO BA ANG MAYRO0N KAY DUTERTE?

Magkape Muna Tayo Ulit

NAMAYAGPAG muli ang ‘satisfaction rating’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa latest survey ng SWS. Sa katunayan, ito na yata ang pinakamataas na antas na nakuha niya mula nang siya ay maupo bilang ama ng ating bansa. Kakaiba ito. Dahil noong nagsimulang maglabas ang SWS ng kanilang mga survey ng mga na­ging Pangulo ng ating bansa, lahat ay unting-unti bumabagsak ang kanilang popularidad sa sambayanan habang papalapit sila sa pagtatapos ng kanilang termino. Kaya naman naghahanap muli tayo ng papalit at umaasa na ang susunod na lider ay hihigitan o iwawasto ang mga kamalian ng napalitan na Pangulo.

Ayon sa SWS survey na isinagawa noong ika-13 hanggang ika-16 ng Disyembre ng nakaraang taon, si Duterte ay nakakuha ng net satisfaction rating na +72 o “excellent” sa kanyang pagka-pangulo. Nahigitan pa niya ang grado na “very good” o +65 noong Setyembre 2019, at ang kanyang mataas na rating noong Hunyo 2019 na “very good” na may antas na +68.

Lumabas sa survey na 82% ng mga Filipino ay kontento kay Duterte bilang Pangulo ng ating bansa.  Ang ginawang survey marahil ay umakyat pagkatapos ng kanyang pagbatikos sa umano’y mataas na si­ngil sa tubig ng Maynilad at Manila Water na binansagan niyang ‘onerous’ o pabigat sa pagbabayad ng mga customer ng nasabing dalawang water concessionaires.  Nagbanta pa si Duterte na handa siyang kunin ito  ng gobyerno kapag hindi inayos ang nasabing ‘onerous contract’.

Sa totoo lang, mala­king debate pa rin ito kung ang pag-uusapan ay ang hindi pagtupad ng napirmahang kontrata at ang maaring mga suliraning pang-ekonomiya dulot na banta ni Pangulong Duterte sa isyu na ito. Subali’t ganu’n pa man, ang nasabing aksiyon niya ay isang napaka-popular sa karamihan ng mga Filipino.

Lumabas din sa survey na 52% ng mga respondent ay naniniwala na matutupad ang karamihan ng mga ipinangako ni Duterte sa smabayanan. Samantala 42% ay naniniwala na maski papaano ay may nagawa si Duterte sa kanyang ipinangako mula noong 2016 at 5% ay naniniwalang walang nagawa si Duterte sa loob ng apat na taon. Malamang ang 5% ay ‘yung mga Dilawan. Hehehe!

Kaya malaking sukatan ang lumabas na survey ngayon sa mga nais na tumakbo sa 2022. Dalawang taon pa bago bumaba sa puwesto si Pangulong Duterte. Kung sino man ang mamanukin ni Duterte, malaki ang pag-asa na manalo ito.  Dapat ang papalit kay Duterte ay kaparehas niyang seryoso, brusko, mapagpatawa at nararamdaman ng mga Filipino na may tunay na malasakit sa kapakanan at hinaharap ng ating bansa.

Comments are closed.