ANO NGA ba ang kahulugan ng stock market? Ito ay isang merkado ng mga ahente at mga namumuhunan na bumibili o nagbebenta ng mga pagbabahagi (shares) ng stocks ng mga kumpanyang nakalista sa publiko. Kapag bumili ka ng stocks sa isang kompanya na nakalista sa stock exchange, nagiging isa ka sa may-ari ka ng kompanya. At, kapag naging may-ari ka ng isang kompanya, makatatanggap ka ng dibidendo sa kita ng nito. Kung ayaw mo naman na sa kompanya, maaari mo ring ibenta ang stocks mo. Ang pagbenta ng stocks ay puwedeng mas mataas o mas mababa kaysa sa unang pagbili mo nito. Tumataas ang presyo ng stock ng kompanya kung maganda ang kita ng nito o mabubuhay na modelo ng negosyo.
Ano ba ang kahulugan ng “bonds”? Ang bonds naman ay isang pagpautang ng pribadong kompanya at pamahalaan. kapag bumili ka ng bonds, nagpapautang ka sa kompanya o sa pamahalaan. Dahil sa pagpa-utang mo sa kompanya o sa pamahalaan, makatatangap ka ng pagbabayad ng interes. Ang bonds ay maaaring nakapirming termino o walang termino (perpetual bonds). Ginagamit ng kompanya o pamahalaan ang utang sa operasyon, sa pagbili ng mga kagamitan o sa pagpapatayo ng mga pabrika, gusali o imprastraktura. Ang bonds na nakapirming termino, pagkatapos ng kontrata, ibabalik sa iyo ‘yung puhunan.
Ano naman itong “money market”? Ang mga pamumuhunan sa money market ay mainam para sa mga naghahanap ng panandaliang paglalagay na magbibigay nang mas magandang kita kaysa sa isang regular na savings account. Ang mga pamumuhunan sa money market ay mas ligtas at ginagamit bilang “paradahan” para sa mga sobrang pondo na maaari mong gamitin sa loob ng isang taon o mas sa mas higit mong kailangan. Ito ay isang instrumento sa pananalapi ng mga bangko.
Abangan lang lagi ang kolum na ito para sa mas marami pang talakayan tungkol sa merkado ng pamumunuhan sa susunod ng mga artikulo.
Ang may-akda ay Presidente at CEO ng Powernet Systems, Inc. at Board Member ng Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX).