AÑO, TUGADE HUMINGI NG PANG-UNAWA SA LIMITADONG SASAKYAN SA UNANG ARAW NG GCQ SA METRO

AÑO-TUGADE

HUMINGI ng pasensiya at pang-unawa ang dalawang opisyal ng pamahalaan sa publiko kaugnay sa limitadong transportasyon sa unang araw ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.

Sa magkahiwalay na public appearances, sinabi nina Interior Secretary Eduardo Año at Transportation Secretary Arthur Tugade na panandalian lamang ang sitwasyon.

“Phasing by phasing po tayo. Kaunting pasensiya lang, mahirap naman kasi kung bibiglain tapos babalik na naman tayo sa ECQ na naman eh mas lalo pong ‘di tayo makakausad,” wika ni Año sa isang press briefing sa Malacañang.

“Kaunting pakiusap at pag-uunawa sa ating publiko at malalampasan din naman natin ito. Maganda nga po nakarating na tayo sa GCQ sana ay huwag na tayong babalik sa ECQ (enhanced community quarantine) o modified ECQ,” dagdag pa niya.

Sa kanyang panig ay sinabi naman ni Tugade na ang pagbabalik-operasyon ng public transportation ay isinasagawa sa ‘partial, limited, calculated, at gradual’  approach.

“Humihinigi ho ako sa inyo ng kapatawaran at understanding. Ito ho ay panandalian lamang. Hopefully the time will come when majority will benefit in comfort and convenience with all the improvements we are trying to do at this time,” aniya sa panayam ng CNN Philippines.

Comments are closed.