ANTI-DOPING, BEACH VOLLEYBALL SA TOPS ‘USAPANG SPORTS’

ANG anti-doping program at ang kahandaan ng Philippine beach volleybal team sa 31st Southeast Asian Games sa Mayo sa Vietnam ang sentro ng usapin ngayon sa Tabloids Organization in Philippine Sports , Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Zoom.

Inaasahang tatalakayin ni Dr. Alejandro Pineda, head ng Philippine National Anti-Doping Organization (PHI-NADO), ang kalagayan ng anti-doping sa bansa at mga programang ipinatutupad batay sa mga alituntunin ng World Anti-Doping Association (WADA).

Makakasama niya sa lingguhang sports forum sa alas-10 ng umaga na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements  Board (GAB) at PAGCOR si Philippine beach volleyball head coach Jan Doloiras at ang mga premyadong beach volleybelles na kasalukuyang naghahanda para sa SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 12-23.

Nagparamdam ng kahandaan ang koponan para sa biennial meet sa matagumpay na kampanya sa katatapos na Australian Beach Volleyball Championship sa Coolangatta Beach sa Brisbane kung saan nagwagi ang mga Pinoy ng dalawang gold, isang silver at dalawang bronze medals.

Kinuha  nina Jovelyn Gonzaga at Dij Rodriguez ang gintong medalya sa Champion Division 1 laban sa local bets na sina Alice Zeimann at  Anna Donlan, habang nakopo nina Ranran Abdilla at Jaron Requinton ang kampeonato laban kina Issa Batrane at Frederick Bialokoz sa Men’s Challenger Division I.