APRUBADO ng World Anti-Doping Agency (WADA) ang binuo at isinusulong na anti-doping rules ng Philippine National Anti-Doping Organization (PHI-NADO).
Mismong si Dr. Alejandro Pineda, head ng PHI-NADO, ang nagpahayag na masinsin ang ginawang pagtalima ng PHI-NADO sa kautusan at regulasyon na ipinatutupad ng WADA upang maibigay ang karampatang serbisyo para sa mga atleta at coach sa National Team.
“Very strict and WADA pagdating sa implementation ng rules and regulation. Para sa kaalaman ng lahat, PHI-NADO is the only WADA-recognized entity in the Philippines. After a thorough evaluation, WADA approved the implementation of our National Anti-Doping rules, naka-align ito sa WADA Code 2021 which included the implementation of anti-doping education and management,” pahayag ni Pineda, Country Member din sa Southeast Asian Region Anti-Doping Organization (SEA-RADO) sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Zoom.
Ayon kay Pineda, maingat ang pagkilos ng PHI-NADO, higit sa implementasyon ng mga programa sa education and awareness upang makaiwas na mapatawan ng ‘non-compliance’ tulad ng nangyari sa North Korea, Thailand at Indonesia na pawang nasuspinde ng WADA.
“Kaya kailangan proper ‘yung system natin, mahigpit ang WADA, pag ‘di nakasunod mapapatawan talaga ng non-compliance. But now, naayos na ng Thailand at ang Indonesia allowed na rin maging host ng Asean paralympics sa July after mabago nila ang sistema,” pahayag ni Pineda sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at Pagcor.
Sa kabila ng pagdepende ng PHI-NADO sa Philippine Sports Commission (PSC) pagdating sa budget, iginiit ng WADA ang pagkakaroon ng ‘operational independence’ sa PSC at Philippine Olympic Comitteee (POC).
Bilang pagpapalakas sa educational awareness, patuloy ang isinasagawang on-line seminars para sa mga atleta at coach, higit sa mga miyembro ng Philippine Team na sasabak sa SEA Games sa Mayo sa Hanoi, Vietnam.
Sinang-ayunan ni beach volleyball star Jovelyn Gonzaga ang kahalagahan ng edukasyon at awareness para makaiwas sa anumang suliranin na kaagapay sa anti-doping rules.
“Kami naman po laging ginagabayan ng aming conditioning coach kaya nababantayan ‘yung mga iniinom namin,” ayon sa 26-anyos na si Gonzaga na isang sarhento sa Philippine Army.EDWIN ROLLON