TINIYAK ni Senador Panfilo Lacson na kung naging mapanuri na siya sa pagtalakay sa Anti-Terrorism Act of 2020 sa Senado, mas maigting ang gagawin niyang pagbabantay sa oras na maging ganap na batas na ito.
Tugon ito ni Lacson sa mga nagpapahayag ng pagkabahala at pagkatakot sa magiging uri ng pagpapatupad ng mga awtoridad oras na maisabatas ang panukala.
Anang senador, hindi biro ang pinagdaaanan sa Senado ng naturang panukala para lamang matiyak ang paglagay ng safeguards, kaya hindi niya papayagan na masalaula ang implementasyon nito.
“The Anti-Terrorism Bill is the wrong tree to bark at. I vow to join those who are concerned, genuinely or otherwise, about the proposed law’s implementation to be as vigilant in monitoring each and every wrongful implementation by our security forces, even to the point of joining them in street protests, just like what I did before during the time of former President Gloria Macapagal-Arroyo,” giit ni Lacson.
Sa pinal na bersiyon ng Senado, tiniyak ang safeguards tulad ng 10 taong pagkakakulong at permanenteng ban na maka-pagtrabaho sa alinmang sangay ng pamahalaan sa awtoridad na hindi agad ipinagbigay alam ang kanilang mga nahuli sa pinakamalapit na huwes at Commission on Human Rights.
Ani Lacson, kung may mga ganitong pangyayari ay agad nitong pangungunahan ang imbestigasyon upang maitama ang maling nagawa dahil taliwas ito sa mithiin ng batas na binusisi ng husto ng Senado.
“I assure them that I will be the first to stand on the Senate floor and call out those responsible for abuse at the top of my voice in privilege speeches and Senate inquiries, if and when it comes to that, as I have done so before and during this current administration,” diin ni Lacson. VICKY CERVALES
Comments are closed.