ANYARE SA BLACKOUT SA PANAY?

AYAN, noong nakaraang taon ‘panay’ ang batikos ng ilang kongresista sa Meralco sa napipintong renewal ng kanilang prangkisa.

Ilan sa mga mambabatas ay nagmistulang buwitre na umaaligid sa kalangitan, naghihintay na atakihin ang Meralco sa umano’y mataas na singil ng koryente. Sa mga hindi masyadong nakakaalam sa isyu na kinuwestiyon ng ilang mambabatas, ang nasabing mga isyu ay matagal nang nasagot ng Meralco at pinaliwanag nila ito sa Energy Regulatory Commission (ERC) na siyang tagapagbantay sa lahat ng mga bagay tungkol sa enerhiya. Ang ERC ang makapagsasabi kung may pagmamalabis sa singil sa koryente mula sa generation companies (Gencos), distribution utilities (DUs), electric cooperatives (ECs) pati na ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na siyang tagapaghatid ng koryente mula sa planta papunta sa DUs at ECs.

Marami ang nagtaas ng kilay sa isinagawang pagdinig sa Kongreso tungkol sa Meralco. Ilan sa mga mambabatas ay biglang naging ‘automatic’ na bihasa sa usapang enerhiya or eksperto sa larangan ng enerhiya.

Subalit kung hihimayin mo ang kanilang mga katanungan, puros ampao naman ang laman.

Ginamit lamang nila ang kanilang kapangyarihan upang ipakita sa Meralco na kayang-kaya nilang ipatawag ang sinuman ‘in aid of legislation’ maski hindi naman talaga kailangan.

Kung mayroon mang dapat na ipatawag ng Kongreso upang imbestigahan, ito ay ang biglaang blackout sa buong isla ng Panay na nagsimula pa noong ika-2 ng Enero. Huwaw, ang ganda naman na pagsalubong sa 2024! Ang balita ko ay patuloy pa rin pilit na ibinabalik ang koryente sa nasabing isla, ngunit hindi pa ito 100%.

Anyare?! Sa katunayan, pumuputok ang butchi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas at isinisisi ito sa NGCP na siyang may responsibilidad sa pagdala ng koryente sa Panay at sa mga ibang lalawigan ng Western Visayas. Ayon pa kay Mayor Treñas, umaabot sa mahigit P400-M ang nawawala sa siyudad ng Iloilo dulot sa kawalan ng koryente.

Naging tampok na usapin na ang malaking balita na ito. Pati si House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro at isang kilalang tunay na may alam sa enerhiya na si Sen. Sherwin Gatchalian ay kinuwestiyon ang nangyaring insidente.

Para kay Rep. Castro, may pananagutan din ang NGCP pati ang MORE na siyang distribution utility ng Panay at ilang parte ng Negros Occidental.

“ As it is though it is not just the power generator’s and NGCP’s fault, the distribution utility namely MORE Electric and Power Corporation of the Razon group of companies also responsible for this,” ang pahayag ni Castro.

Kinuwestiyon pa ni Castro ang kakayahan ng MORE mula nang makuha nila ang prangkisa upang maging DU sa isla ng Panay.

“Since MORE Power’s takeover of the distribution utility in the island, what has it done to improve the distribution infrastructure backbone and does it have seamless coordination with the system operator and the generators?,” tanong ni Castro.

Para sa Deputy Minority leader, napipintong magpatawag na ng pagdinig ang Kongreso sa nangyaring blackout sa Panay dahil paulit-ulit na daw ito.

Inutusan din ni Sen. Gatchalian ang DoE, NGCP at ERC na pabilisin ang imbestigasyon sa nasabing problema sa Panay na apektado rin ang mga isla ng Guimaras at Negros Occidental. “ The DoE, NGCP, and ERC must swiftly implement effective measures to prevent the recurrence of suce disruptive incidents, which adversely affect business operations and the day-to-day activities of our people,” ayon kay Gatchalian.

Ayan. Malinaw pa sa tubig krystal, kailangang magsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso sa nasabing insidente. Ano kaya ang susunod na hakbang ng chairman ng committee on energy sa House of Representatives? Rep. Lord Allan Velasco, sana ay pakinggan mo ang hiling ni Rep. Castro tungkol sa nasabing isyu. Oo nga pala, ‘yung umanoy eksperto sa enerhiya na si Rep. Dan Fernandez ng Sta. Rosa, Laguna, sana ay umepal ka na rin dito sa isyu na ito. Tutal sinimulan mo na ang pagiging bihasa mo sa enerhiya.