SUPORTADO natin ang programa ng Department of Transportation (DOTr) sa PUV (Public Utility Vehicle) Modernization Program. Dapat lang na magkaroon ng mas makabago, malinis at maayos na mga pampublikong sasakyan gaya ng jeep at bus na bukod sa moderno ay ligtas sa aksidente.
Kumusta naman ang ahensiya na dapat magpatupad nito, ang Land Transportation Office (LTO)? Nakapagsimula na rin ba sa kanilang modernization? ‘Anyare’ sa makabagong Motor Vehicle Inspection Centers (MVICs) para sa computerize testing ng sasakyan?
Matapos sumablay ang dating pamunuan ng LTO sa P437.9 million na Motor Vehicle Inspection System (MVIS) program na kinuwestiyon ng COA, binuksan ngayon ng DOTr na makapasok ang pribadong sektor. Tinawag nila itong privately-operated motor vehicle inspection centers (PMVIC).
Sa panayam ko sa ating programa sa DWIZ kay LTO Chief Edgar Galvante, bagama’t maraming private entities ang nagsumite ng applications para sa PMVIC ay 15 pa lang ang kanilang nabigyan ng notice to proceed. Target ng LTO na magkapaglagay initially ng 138 PMVIC with modern and fully computerized facility sa buong bansa.
Ayon pa kay Asec. Galvante, hindi kailangan ang bidding dito dahil walang pondo ng gobyerno na gagamitin kundi investment ito ng pribadong kompanya. Pero bakit kaya hanggang ngayon ay hindi pa ito nasisimulan? Ang nangyayari tuloy ay manual inspection ang ginagawa sa mga sasakyan para sa requirement ng renewed of registration.
Kung mano-mano pa rin ang gamit ng LTO para madetermina kung ang behikulo ay roadworthy, may human intervention pa rin ‘ika nga. Aba’y may tulog tayo d’yan! Malamang na lulusot pa ring papasa ang mga bulok at karag-karag nang sasakyan.
May panawagan ngayon ang mga aplikanteng pribadong investor kay DOTr Secretary Arthur Tugade na alamin kung ano ang dahilan kung bakit mabagal ang proseso ng kanilang aplikasyon.
Dapat magpaliwanag kay Sec. Tugade ang panel ng ‘authorization committee’ headed by DOTr Asec. for procurement Giovanni Lopez bilang Chairman ng komite at DOTr Asec. for legal Mark Steven Pastor, vice chairman.
May sumbong kaming natanggap, totoo po bang ilang beses nang binabago o nire-revise ang guidelines para sa nagkuwa-qualify na private inspection centers kahit walang public consultation? Kung pinapatagal, hindi maiiwasang may maghinala na may pinapaboran silang supplier ng equipment at machine?
Ang investments ng pribadong aplikante ay tinatayang nasa P20 million hanggang P40 million, depende sa land and equipment acquisition costs.
Ang punto natin dito, huwag naman sanang maghintay pa ng mas malagim pang trahedya sa lansangan bago ipatupad ang ipinangako ng pamahalaang Duterte na pagbabago tungo sa modernization ng ating mga sasakyang panlupa.
Comments are closed.