APAT NA LASING NA PULIS SIBAK SA PUWESTO

Chief-Supt-Guillermo-Eleazar

TAGUIG CITY – SINIBAK sa puwesto kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director General Guillermo Eleazar ang apat na unipormadong pulis na nahuling aktong umiinom ng alak habang naka-duty sa kanilang trabaho kahapon ng madaling araw sa Las Piñas City.

Kinilala ni Elea­zar ang apat na pulis na sina Patrolman Samuel Inoc, P/Corporal Alquin Orgen, P/Corporal Randy Danao at P/Corporal Robemar Abales, pawang mga nakatalaga sa Las Piñas Police Community Precinct (PCP)-6.

Ayon kay Eleazar, nauna dito ay nakipag-coordinate sa kanya ang bagong talagang hepe ng Internal Affairs Service ng National Capital Region (IAS-NCR) na si Brig. Gen. Gerry Galvan kung saan sinabihan niya ito na tulungan siya sa pag-iinspeksiyon at pagmo-monitor ng mga kilos ng mga pulis na kaagad namang ginawa ni Galvan.

Dagdag pa ni Elea­zar, hindi akalain ng apat na pulis na dadating upang mag-inspeksiyon sa kanilang lugar si Galvan kung saan nahuli sila sa akto na umiinom ng alak habang nagsasagawa ng kanilang checkpoint malapit sa isang gasolinahan sa Alabang-Zapote Road, Las Piñas City dakong ala-1:35 kahapon ng madaling araw.

Sa naturang ins­peksiyon ay nakita mismo ni Galvan ang isang lamesa malapit sa kinaroroonan ng apat na pulis na may dalawang bote ng alak at may isang kaldero. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.