(Apektado ng clearing operations sa Pasay) TIG-P15K PARA SA 156 STREET VENDORS

Emi Calixto-Rubiano

PINAGKALOOBAN ng lokal na pamahalaan ng Pasay ng halagang P15,000 ang bawat isa sa 156 na street vendors na naapektuhan sa clearing operations simula noong Nobyembre 2019 hanggang Enero 2020.

Pinangunahan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pamamahagi ng P15,000 cash aid sa 156 street vendors sa lungsod na nasagasaan ng clearing operations na isinagawa sa Baclaran/Taft Avenue at Roxas Boulevard.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang cash aid na ipinagkaloob sa 156 na vendors ay kabilang sa livelihood sustainable program ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD).

Ayon kay Calixto-Rubiano, sinimulan ng lokal na pamahalaan ang clea­ring operation sa nabanggit na mga lugar noong Nob­yembre makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga alkalde sa Metro Manila na tanggalin ang anumang obstruksyon kasabay ng pag-atas sa Department of Interior and Local Government (DILG) na bigyan ang mga alkalde ng 60 araw para linisin ang mga kalsada sa kanilang mga lugar na nasasakupan.

Binalaan pa ng DILG ang Metro Mayors na ang hindi makasusunod sa ipinag-utos ng Pangulo ay papatawan ang mga ito ng karampatang suspensiyon.

“Sa panahong ito ng pandemya na dulot ng coronavirus disease (CO­VID-19), pagkakalooban namin ng cash aid ang mga naapektuhan sa naturang clearing operations upang makatulong sa anumang plano nilang itayong negos­yo sa pamamagitan ng DSWD Livelihood Sustainable Program,” pagtatapos ni Calixto-Rubiano. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.