NANAWAGAN ang Department of Tourism (DOT) sa pamahalaan na luwagan pa ang travel requirements upang mabawasan ang gastusin ng mga pamilya na magbabakasyon sa holidays.
“I hope (there would be) less travel restrictions, so more Filipinos can finally enjoy this Christmas with the family nang hindi magastos for them,” wika ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa CNN Philippines.
“Admittedly, ‘yung magastos talaga is the negative RT-PCR. Siyempre, mas maganda na if they accept vaccination cards in lieu of RT-PCR, less gastos din ‘yun,” ani Puyat.
Noong Oktubre 28 ay sinabi ng DOT na hindi na kailangan ang negative COVID-19 test result sa Cebu province, Lapu-Lapu City, at Catbalogan City. Ang mga biyahero na tutungo sa Bohol, Iloilo City, at Negros Occidental ay maaaring magpakita lamang ng vaccination certificates mula sa VaxCertPH.
Kailangan din ang vaccination cards sa Baguio City, Clark Freeport Zone, Subic Bay Freeport Zone, Tarlac, Masbate, Southern Leyte, Tacloban City, Maasing City, Misamis Oriental, at Cebu City.
Nire-require pa rin ng mga awtoridad sa Aklan ang negative RT-PCR test result para sa mga turistang patungong Boracay maliban sa mga bakunado o fully vaccinated visitors mula sa Panay Island at Guimaras.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DOT sa Philippine Children’s Medical Center para sa pagkakaloob ng libreng swab tests sa qualified travelers. Ang daily cap ay 350 tests.
Ayon kay Puyat, plano rin ng DOT na lumapit sa iba pang grupo para i-subsidize ang testing para sa mga turista.