(Apela ng mga Obispo sa mga Pinoy) MAGKAISA NGAYONG SEA GAMES

Ruperto Santos

UMAAPELA sa mga Pinoy ang isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na magkaisa ngayong idaraos sa bansa ang 30th Southeast Asian Games (SEA Games).

Sa harap ito ng mga negatibong isyu na lumulutang na usapin ukol sa pagho-host ng Filipinas sa SEA Games.

Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP Episcopal Commision on Migrants and Itinerant Peoples, ngayon ang magandang panahon na magkaisa at magtulong-tulong upang maipakita ang tunay na imahe nating mga Filipino, na kilala sa hospitality at pagiging maalaga.

Magigiliw aniya at pala-kaibigan ang mga Pinoy, at mabuting ipa­dama ito sa mga atleta at delegado ng SEA Games.

Umaapela rin ang obispo sa mga tao na isaisantabi na muna ang mga puna at hindi kagandahang mga komento hinggil sa aktibidad.

Naniniwala si Santos na kung magkakaisa ang lahat ngayong SEA Games ay magsisilbi itong inspirasyon, hindi lamang sa Team Philippines na sasabak sa kumpetisyon, kundi maging sa mga bisita sa bansa ngayon.

Samantala, dismayado  si Senate President Vicente Tito Sotto III sa mga lumalabas sa social media na mas binibigyan pa ng halaga ang mga kasiraan sa preperasyon sa Southeast Asian Games.

Ayon kay Sotto, sa halip na suportahan ang mga atletang Pinoy, mas inuuna pa na i-highlight ang kasiraan sa SEA Games na ang iba pa rito ay fake news. ANA ROSARIO HERNANDEZ, VICKY CERVALES

Comments are closed.