(Apela ng senador sa DSWD) AYUDA SA MAHIHIRAP MADALIIN

Senator Sonny Angara-4

AGARANG paghahatid ng tulong ang kailangang gawin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahihirap na Filipino nga-yong ang kabuhayan ng lahat ay apektado sa ipinatutupad na Luzon-wide enhanced community quarantine.

Ito ang panawagan ni Senador Sonny Angara kaugnay ng nilalalaman ng ang Bayanihan to Heal as One Act na pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.

Sa ilalim ng batas, ipinag-utos ng Chief Executive ang pagpapalabas ng emergency assistance sa mga lubhang tinamaan ng enhanced community quarantine sanhi ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa bansa.

Ani Angara, hindi dapat maging pahirapan ang pagbibigay ng tulong sa publiko at hindi kailangang dumaan pa sa kung ano-anong proseso para makuha ang naturang emergency assistance.

Aniya, napakarami na ng apektado sa kawalang-kita dahil sa ECQ,  kasama na rito ang mga pinakamahihirap na senior citizens, at iba pang indibiduwal na nawalan ng pagkakakitaan dahil dito.

Sinabi ni Angara na malinaw sa ulat ng Pangulo sa Kongreso na mahigit P140 bilyon ang ipinagkaloob sa DSWD sa ilalim ng 2020 national budget.

Ang nasabing halaga ay maaaring magamit ng ahensiya bilang COVID-19 response fund.

“Gamitin na natin ang pondong ‘yan sa lalong madaling panahon.  Paulit-ulit nating sinasabi na may pera para sa mga kababayan natin na naapektuhan ng COVID-19 pero base sa naririnig natin, hanggang ngayon ay marami pa rin sa kanila ang wala pang natatanggap,” diin ni Angara.

“Sa panahong ito, tanging ang tulong ng gobyerno ang inaasahan ng mahihirap na pamilya para pambili ng essential goods tulad ng pagkain at gamot. Wala silang pinagkakakitaan ngayon kaya ibigay na agad ang tulong para sa kanila,” dagdag pa niya..

Mababatid na sa kabuuang P141.7 bilyong pondo ng DSWD, P108.7bilyon  dito ay nakalaan sa 4Ps.

Nasa P23.1bilyon naman ang para sa social pension na ipinagkakaloob sa pinakamahihirap na senior citizens; P8.7 billion para sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS); at P1.2 bilyong quick response funds.

“Wala akong nakikitang dahilan para ma-delay pa ang pagbibigay  ng ayuda sa mahihirap. Matagal na itong ipinatutupad kaya alam na ng DSWD kung ano ang dapat gawin. Ang kaibahan lang sa sitwasyon ngayon, may national emergency tayo kaya mas mabilis pa dapat ang pagkilos natin,” giit ng senador.

Hinggil sa social pension, naglabas ng memorandum circular ang DSWD na nagsasabing tuloy-tuloy lang ang pagpapalabas ng social pension para sa indi-gent seniors.

Kasabay nito, nagpasalamat ang senador sa DSWD sa pagtugon sa kanyang panawagan na ituloy ang pagbibigay ng social pension sa indigent seniors at ang bahay-bahay na paghahatid sa kanila ng buwanang P500 stipend o allowance.

“Kung mababatid ninyo, ang ating senior citizens ang pinaka-maselan sa karamdamang hatid ng COVID-19. Marami sa senior patients na nagpositibo sa sakit na ito ay pumapanaw kaya huwag naman nating ipagkait sa kanila ang tulong.” pahayag pa ni Angara.

Binigyang-diin ng senador na ito ang panahon upang ipakita ng pamahalaan ang tunay na pagkalinga sa sambayanan.

“Hindi biro ang laban natin ngayon. Hindi ito tulad ng digmaang de-armas dahil lahat ay maaaring mapahamak at mamatay. Lahat ay nag-aalala kaya  tumulong tayo at huwag mag-aksaya ng oras,” anang senador. VICKY CERVALES

Comments are closed.