APELA NG SIMBAHAN SA PUBLIKO: MAGTIPID SA TUBIG

TUBIG-8

UMAAPELA sa mga mamamayan ang isang obispo ng Simbahang Katolika na magtipid sa paggamit ng tubig bunsod na rin ng water crisis  na dinaranas sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon kay San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto, batid niya ang nararanasan ngayon na hirap ng mga Filipino partiku-lar na sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa kawalan ng tubig, dahil bahagya na rin aniyang nakararanas ngayon ng pagkatuyo ng patubig na pang-agrikultura at mga balon sa ilang bahagi ng kanyang nasasakupang Diyosesis.

Dahil dito, iginiit ni Presto na mahalagang maging matipid ang bawat tao at pangalagaan ang kalikasan dahil ito rin ang magbib-igay ng ating pangangailangan.

“Ako’y nananawagan hindi lang sa mga tagarito sa La Union kundi sa atin din bilang mga Filipino ang pagtitipid ng tubig lalo na ngayong panahon ng summer ay talagang dapat natin isakatuparan lalo na’t hirap ang source,” ani Presto, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Umaapela rin ang Obispo sa mga mamamayan na kung maaari ay magtanim ng mga puno bilang paraan ng pa­ngangalaga sa kalikasan at sa tubig na mahalaga ngayong dumaranas ng El Niño ang buong Filipinas.

Ayon sa Obispo, ang pagtatanim ng mga puno ay nakatutulong sa pa­ngangalaga ng tubig lalo na sa bahagi ng mga watershed.

Sinabi ng Obispo na malaking bagay ito sa pagpapanatili ng magandang daloy ng tubig na kinakailangan ng mga tao sa pang-araw-araw na gawain, at sa agrikultura.

“Panawagan din yaong sa mga may malala­king lugar na walang tanim ang puno, magtanim ng puno alagaan natin ang kalikasan sapagkat in return aalagaan din tayo nito kaya nga ‘yung mga protection ng watershed yung pagtatanim natin ng puno yang mga ‘yan, ‘yan naman ay makatutulong upang mapanatili natin ang magandang daloy ng tubig sa ating mga lugar,” panawagan ng Obispo

Matatandaang una na rin namang nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga Katoliko na isamang dasalin sa bawat misa ang biyaya ng ulan.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.