APELA NI AYO ‘DI PA NATATALAKAY NG UAAP

Aldin Ayo

HINDI pa natatalakay ng UAAP ang apela ni dating University of Santo Tomas coach Aldin Ayo kaugnay sa indefinite ban na ipinataw sa kanya ng liga.

Si Ayo ay pinatawan ng ban ng UAAP noong Setyembre sa gitna ng kontrobersiya sa ‘Sorsogon bubble’, na naging dahilan din ng pagbibitiw ng coach sa UST. Agad siyang umapela, at noong late September ay sinabi ng local government ng Sorsogon na walang anumang paglabag si Ayo sa quarantine protocols sa lalawigan.

Gayunman, sinabi ni UAAP executive director Atty. Rebo Saguisag na hindi pa natatalakay ng UAAP ang kaso ni Ayo dahil hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon ng ilang ahensiya ng gobyerno na nagkaroon ng interes sa kaso.

“I know sinasabi nila na may mga lumabas na reports from the local police,” ani Saguisag.

“Pero CHED (Commission on Higher Education) has already begun its investigation, as well as the DOJ (Department of Justice) and other agencies,” dagdag pa niya. “So we await those findings para we can also align.”

Pinulong ng CHED noong Agosto ang mga kinatawan ng UAAP, UST,  Department of Health, Games and Amusements Board, at Philippine Sports Commission para talakayin ang isyu sa ‘Sorsogon bubble’.  Noong mga panahong iyon ay sinabi ng liga na pinag-aaralan nito ang pagpapataw ng parusa sa unibersidad.

Ayon pa kay Saguisag, mas makabubuting hintayin na lamang muna ang resulta ng mga imbestigasyon kaysa talakayin agad ang apela ni Ayo.

Nauna nang sinabi ni Ayo na kumpiyansa siyang mapagbibigyan ng UAAP ang kanyang apela makaraang linisin ng Sorsogon police at ng local government ang kanyang pangalan sa anumang paglabag.

“I’m confident because wala akong nilabag. Makikita naman nila ‘yan sa appeal ko. Sa akin, I’m just grateful doon sa endorsement ng UST, doon sa appeal ko,” aniya.

Paliwanag ni Ayo, hindi nagpunta ang Growling Tigers sa Sorsogon para sa basketball camp, kundi para matuto sa farming.

Comments are closed.