PINAMAMADALI ng mga transport group sa pamahalaan ang pamamahagi ng fuel subsidy.
Ang fuel subsidy ang tugon ng gobyerno sa inihaing petisyon ng mga transport group para gawing P12 ang minimum na pasahe sa jeepney mula sa kasalukuyang P9 dahil sa sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Nanawagan ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (Fejodap) sa pamahalaan na ibigay na ang subsidiya, lalo’t may pondo na aniyang nakalaan para rito sa Land Bank of the Philippines.
Kamakailan ay nilagdaan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang kasunduan sa Land Bank at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa pamamahagi ng fuel subsidy sa public utility jeepney drivers
Mahigit 136,000 PUJ drivers ang inaasahang mabibigyan ng subsidiyang tinatayang mahigit P7,000 kada jeepney unit.
Hindi pa naipamamahagi ang subsidiya dahil pinaplantsa pa umano ng LTFRB ang guidelines at listahan ng mga benepisyaryo.