(Apela sa gobyerno) PAGKAWALA NG TRABAHO PIGILAN

HINDI basta-basta na lamang mawawalan ng trabaho ang mga Pilipino kung hindi awtomatikong mapapaso ang mga prangkisang nakabimbin pa ang renewal sa Kongreso.

“Sa gitna ng bawat pagkawala ng prangkisa ay hindi lamang pagsasara ng negosyo kundi pati pinagkakakitaan ng maraming empleyadong may kani-kanilang pamilyang sa kanila umaasa,” pahayag ni Senadora Grace Poe.

“‘Wag nating hayaang muling makaranas ang ating mga mamamayan ng hindi makatarungang pagkawala ng kanilang hanapbuhay,” dagdag niya.

Isa si Poe sa 21 senador na bumoto upang maipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Senate Bill No. 1530 na nagsusulong na masaklaw ang mga legislative franchise ng batas na nagbibigay pa rin ng bisa sa mga prangkisa hanggang makapaglabas ng pinal na desisyon sa aplikasyon ng renewal.

Sasaklawin nito ang lahat ng aplikasyon para sa renewal na naihain sa tamang oras.

Layunin ng panukala na amyendahan ang Section 18 ng Administrative Code of the Philippines at maisama ang probisyong nagsasaad na “existing license or franchise shall not expire until the application shall have been finally determined by the agency, department or branch of government authorized to grant or renew the license or franchise.”

“Magkakaroon ng pinal na pagpapasya kapag ang isang aplikante ay nakatanggap na ng written notice of approval o denial ng kanilang aplikasyon para sa renewal,” nakapaloob sa panukala.

Ipinaliwanag ni Poe na napipilitan ang mga kompanyang magsara kapag napaso na ang kanilang prangkisa kahit na nakabimbin pa ang kanilang aplikasyon.

Inihalimbawa ng senadora ang kaso ng ABS-CBN Corp. na inisyuhan ng cease and desist order ng National Telecommunications Commission matapos magdesisyon ang Supreme Court na hindi na maaaring mag-operate ang mga walang prangkisa. Dahil dito, nawalan ng trabaho ang libo-libong empleyado ng network.

“Dapat manghikayat ng pagbubukas hindi pagsasara ng mga negosyo ang gobyerno,” sabi ni Poe.

“Ang pangangalaga sa hanapbuhay ng ating mga kababayan ay lakas sa pagbalikwas ng ating bansa mula sa hagupit ng pandemya at mga kalamidad,” dagdag ni Poe.  VICKY CERVALES