(Apela sa NFA) IBIGAY NA ANG MGA BIGAS

bigas

‘IBIGAY nang libre ang bigas; giyera ito ‘di bakasyon.”

Ito ang iginiit ni Senadora Nancy Binay kasabay ng kanyang pagkadismaya sa sinasabing mabagal na pagtugon ng National Food Authority (NFA) sa pamamahagi ng bigas lalo na sa mahihirap , apektadong pamilya at komunidad

“Anong oras na? Dapat ipamigay na ng NFA ang mga bigas sa tao. Importanteng maitawid muna natin kahit 14 days lang ang mga pami-lyang direktang naapektuhan ng lockdown. Hindi ito bakasyon–giyera ito,” giit ni Binay

Ayon sa senadora,  ang NFA ay may mga  warehouse na may sapat na suplay ng bigas para ipamahagi bilang rice assistance lalo na sa mga apektadong residente sa ilalim ng community quarantine.

“Kailangan pa ba nating hintayin na magkagulo at may mamatay sa gutom? Ano ba ang plano? Sana kumilos na para matulungan lahat ng nangangailangan,” anang senadora.

Aniya, may ipinaiiral na memorandum of agreement sa mga relief agencies gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense ( OCD) at Local Government Units (LGUs) para sa suplay ng rice requirements sa relief operations tuwing may natural disasters, calamities at iba pang emergencies. VICKY CERVALES

Comments are closed.