HINIMOK ng ilang lider ng mga grupo ng overseas Filipino workers (OFWs) ang Senate Committees on Labor and Employment, Foreign Relations, at Finance na ituloy ang deliberasyon ng mga nakabimbing panukalang batas na naglalayong bumuo ng isang Department of Filipinos Overseas (DFO).
Anila, matagal na dapat na may isang ahensiya na magbibigay ng komprehensibong tugon sa mga isyung kinakaharap ng mga OFW.
“Ngayon na po ang tamang panahon. Matagal na po kaming naghintay. Huwag na po nating ipagkait na magkaroon ng isang opisina na mananagot kung maging mabagal ang serbisyo sa mga OFW,” pahayag ng presidente ng OFW Global Movement Association and Cooperation Inc. (OFW-GMAC) na si Lalaine Dazille Siason.
Ang OFW Global Movement Association and Cooperation ay may 200 sangay sa buong mundo.
“Kung bagong bayani ang tingin ninyo sa amin, nararapat lang na aksiyunan ng gobyerno ang matagal na naming mga hinaing at idinudulog sa ating Kongreso,” pahayag ni Siason.
Simula pa, aniya, nang umupo sa puwesto si Pangulong Duterte noong 2016 ay ipinangako na sa kanila ang nasabing ahensiyang magsisilbing one-stop-shop na tutugon sa lahat ng kanilang pangangailangan, “lalo na kung malagay sa matinding panganib ang aming buhay, maging biktima ng pag-abuso o magkaroon ng pandemya tulad ngayon.”
Pasado na sa House of Representatives ang Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment bill noong Marso 11, 2020 sa ilalim ng pamumuno ng noo’y Speaker Alan Peter
Cayetano na isa rin sa mga pangunahing may-akda nito. Sa kasalukuyan, siyam na magkakatulad na panukalang batas ang nakabimbin sa komite ng Senado.
Sa kabila nito ay nasuspinde ang pagdinig para sa pagtatatag ng DFO noong Lunes (Disyembre 7) matapos mag-mosyon si Minority Leader Franklin Drilon na ipagpaliban muna ito hangga’t hindi natalakay ang Senate Bill 244 o ang Rightsizing the National Government Act.
Nanawagan din sa mga senador si Warpeace Arnold, ang presidente ng Alliance of United OFWs na naka-base sa United Arab Emirates, na tugunan ang mga hinaing ng mga OFW.
“Sana po ay pakinggan kami ng ating mga butihing senador na buksan muli ang pagdinig tungkol sa Department of Filipinos Overseas,” pahayag ni Arnold.
Si Arnold na ginawaran ng “Champion of Migration” ng International Organization for Migration (IOM) noong 2019 ay matagal nang nagsusulong ng mga programa para sa pagprotekta sa mga OFW at naniniwala siyang sa pamamagitan ng pagtatag ng DFO ay maaari itong matupad.
“Sa loob ng ilang dekada, malaki rin po ang naitulong ng mga kababayan nating OFW para palakasin ang ekonomiya ng Filipinas. Siguro po ay hindi ito kalabisan kung gawing mas komprehensibo at mas akma ang mga serbisyo para sa mga OFW sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang ahensiyang tutugon sa mga problema ng ating mga kababayan nag nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa,” dagdag pa niya.
Comments are closed.