NAHIGITAN ng Bureau of Customs (BOC) ang revenue collection target nito sa Abril.
Ayon sa BOC, nakakolekta ito ng P68.274 billion noong nakaraang buwan, nalagpasan ang target na P68.199 billion ng 0.11%.
Kumpara noong April 2022, ang koleksiyon ng ahensiya ay tumaas ng 3.97% mula P65.669 billion.
Para sa unang apat na buwan ng taon, ang Customs ay nakakolekta ng P281.902 billion, nahigitan ang target collection nito na P265.220 billion ng 6.29% o P16.682 billion para sa period.
Ang koleksiyon mula Enero hanggang Abril ay mas mataas din ng 10.89% kumpara sa P254.226 billion na nakolekta sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, ang magandang collection performance ng BOC ay sa likod ng “higher rate of assessment, which is mainly due to improved valuation of non-oil importation.”
Naitala rin ng BOC ang pinakamataas na daily collection para sa taon noong Abril 30, na nagkakahalaga ng mahigit P7.51 billion.