INAPRUBAHAN ni Presidente Rodrigo Duterte ang dagdag na pork imports para maparami ang suplay nito at mapigilan ang tumataas na presyo.
Ayon kay Cabinet Secretary Carlo Nograles, sa isang pagpupulong noong Miyerkoles ay iniulat ng DA na ang isang kilo ng baboy ay nasa 132 sa isang rehiyon, at hanggang P244 sa isa pang rehiyon.
Sa pagtaya ng ahensiya, sa demand na 1.6 million metric tons, kailangang repasuhin ng bansa ang minimum access volume (MAV) nito, na patungkol sa dami ng isang agricultural product na maaaring angkatin sa mababang taripa.
Ani Nograles, ang kasalukuyang MAV ay nasa 54,000 metric tons, at inirekomenda ng DA ang pagpapalawig dito, sapat lamang para punan ang tinatayang kakulangan para sa taon.
Sinabi naman ni presidential spokesman Harry Roque na ang kasalukuyang pork deficit ay 400,000 metric tons.
Aniya, ang mga Filipino hog raiser ay gumagastos ng P170 para makapaprodyus ng isang kilo ng baboy.
Samantala, ang imported pork tulad ng boneless sirloin ay nagkakahalaga lamang umano ng P114 kada kilo, kasama na ang 40 percent tariff.
“Anong mangyayari d’yan? Baka tuluyang mawala na ang local producers. Kaya nga po nag-iingat tayo pagdating doon sa kung ilan ang aangkatin from abroad,” sabi Roque sa hiwalay na press briefing.
Dagdag pa niya, ang prayoridad ng pamahalaan ay ang mag-angkat muna galing sa Visayas at Mindanao.
Nauna nang sinabi ng DA na plano nitong gawing triple ang pork imports para madagdagan ang local supply.
Comments are closed.