NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para sa night shift differential pay sa mga kawani ng pamahalaan at government-owned ond controlled corporations (GOCCs).
Sa ilalim ng Republic Act No. 11701, ang mga empleyado ng gobyerno, regular man, contractual, temporary, o casual, ay makatatanggap na ng night shift differential pay kung ang trabaho ng mga ito ay papatak simula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Nakapaloob sa batas na ang 20% ng hourly basic rate ng isang empleyado ang matatanggap na night shift differential pay sa kada oras na ipapasok ng isang kawani, na papatak sa alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Hindi sakop ng batas na ito ang mga government employees na on call, maging ang mga tauhan na 24 hours a day ang kinakailangang serbisyo, tulad ng AFP, PNP, BFP, at mga personnel mula sa BJMP.
Kukunin ang pondo para sa night differential pay ng mga kawani ng national government sa kasalukuyang appropriation ng mga kinauukulang kagawaran o ahensiya habang ibabatay sa probisyon ng local government code ang pondong ibabayad sa mga kawani ng local government units at kukunin naman sa corporate funds ng GOCCs ang ipambabayad sa kanilang differential pay.
Pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas noong Abril 13, 2022. EVELYN QUIROZ