INAPRUBAHAN na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang taas-presyo sa 195 mula sa 223 stock keeping units (SKUs), kabilang ang Noche Buena products tulad ng ham at quezo de bola.
Inaasahang ilalabas ng ahensiya ang price guide para sa Noche Buena items sa Nob. 23 na kinabibilangan din ng fruit cocktail, cheese, sandwich spread, mayonnaise, spaghetti pasta, elbowmacaroni, salad macaroni, spaghetti sauce, tomato sauce at cream o all-purpose cream.
Ayon sa DTI, nasa 94 SKUs ang nagtaas ng presyo ng mahigit 10 percent, 51 items ang nag-increase ng 6 hanggang 10 percent, at 50 produkto ang may dagdag na 1 hanggang 5 percent.
Para sa ham products, ilang items ang nagtapyas ng presyo ng P30 habang ang ibang brands ay nagtaas ng hanggang P42. Ang suggested retail price (SRP) para sa Christmas ham ay naglalaro sa P168 hanggang P892.50 mula sa SRP na P158 hanggang P862.50.
Para sa fruit cocktail, ang price hike ay mula P0.50 hanggang P33.05 na may SRP na P56 hanggang P33.05; sa cheese ay may taas-presyo na P3 hanggang P21, na may SRP na P54.35 hanggang P371; ang presyo ng quezo de bola ay tumaas ng P10 hanggang P56.65; mayonnaise, P0.60 hanggang P23.45, na may SRP na P24 hanggang P234.15; sandwich spread, P1.05 hanggang P13.16, na may SRP na P26 hanggang P252; at cream, na may price hike na P3 hanggang P16, na may SRP na P63 hanggang P75.
Ang presyo ng spaghetti pasta ay tumaas din ng P4.50 hanggang P27, na may SRP na P25 hanggang P111; ang presyo ng elbow macaroni at salad macaroni ay kapwa tumaas ng P4 hanggang P27.75, na may SRP na P23 hanggang P119 at P39 hanggang P117, ayon sa pagkakasunod; spaghetti sauce, may price hike na P1.55 hanggang P14.93, na may SRP na P23.55 hanggang P95.50; at tomato sauce, tumaas ng P1.20 hanggang P18.50, na may SRP na P17.25 hanggang P92.25.
Walong Noche Buena items naman ang napanatili ang kanilang 2021 prices.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Ann Claire Cabochan, may 18 nadagdag na bagong SKUs para sa Noche Buena products ngayong taon.
PNA