(Aprub na sa MWSS-RO) DAGDAG-SINGIL SA TUBIG

INAPRUBAHAN na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office (MWSS-RO) ang taas-singil sa tubig para sa concessionaires nito na Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc.

Ayon kay MWSS-RO Chief Regulator Patrick Ty, kinonsidera ng regulatory body ang actual capital na ginastos ng water concessionaires para sa period na 2023 hanggang 2024 sa pag-apruba sa water rate hikes, na magiging epektibo sa January 2025.

Sinabi ni Ty na ang Manila Water ay gumastos ng kabuuang P32.668 billion para sa water at wastewater projects nito para sa naturang panahon, na bumubuo sa 81% ng capital expenditure target nito.

Gumastos naman ang Maynilad ng 83% ng capex target nito para sa 2023-2024 na nagkakahalaga ng P47.591 billion.

“As long as they spend a reasonable [percentage] of their capex… we will allow them to raise tariffs,” sabi ni Ty.

Sinabi ng MWSS-RO chief na kailangan ng Manila Water at Maynilad na magbuhos ng bilyon-bilyon para mag-invest sa kanilang proyekto upang mapanatili at mapaghusay ng concessionaires ang kanilang serbisyo.

Para sa residential customers ng Manila Water, ang inaprubahang taripa, epektibo sa Enero ng susunod na taon, ay P61.04 per cubic meter, tumaas ng P5.95 mula P55.08 per cubic meter hanggang fourth quarter ng 2024.

Sa napipintong rate hike, ang low-income o lifeline customers na kumokonsumo ng wala pang 10 cubic meters kada buwan ay makaaasa ng P2.87 sa kanilang monthly bills.

Para sa regular residential customers ng Manila Water na kumokonsumo ng hanggang 10 cubic meters, 20 cubic meters, at 30 cubic meters kada buwan, ang magiging pagtaas ay P24.68, P54.79, at P111.83, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Para sa Maynilad, inaprubahan ng MWSS-RO ang adjustment na P7.32 per cubic meter sa tariff rate ng kanilang residential customers simula sa January 2025, kung kaya ang all-in average water rate nito ay magiging P65.62 per cubic meter mula P58.30 per cubic meter hanggang huling quarter ng 2024.

Ang adjustment ay mangangahulugan ng pagtaas na P10.56 sa monthly bill ng isang low-income lifeline consumer.

“For residential customers of Maynilad consuming up to 10 cubic meters, 20 cubic meters, and 30 cubic meters per month; the rate adjustment would translate to an increase of P20.08, P75.89, and P155.32 in their monthly bills, respectively,” ayon sa MWSS-RO.

Ang inaprubahang tariff rates ay mas mataas sa mga nakasaad sa nakaiskedyul rates sa 5th rate rebasing period para sa water distribution utilities na isinagawa noong 2022.

Ang rate para sa Manila Water ay nakatakdang tumaas ng P3.25 per cubic meter sa 2025, habang ang para sa Maynilad, ang pagtaas ay P2.12 per cubic meter.

Ipinaliwanag ni Ty na ang mga pagtaas sa ilalim ng 5th rate rebasing ay “hindi automatic” at magdedepende sa capital na ginastos at sa performance ng water distributors, kaya mas mataas ang tariff rates na inaprubahan ng regulatory body para sa susunod na taon.