(Aprub na sa Senate joint panel) MOTOR TAXIS BILANG PUVs

grace poe

LUSOT na sa Senate committees on public services at local government ang panukala na gawing public utility vehicles (PUVs) ang motorcycle taxis.

Ayon kay Sen. Grace Poe, 16 na senador ang lumagda sa committee report para maging legal ang paggamit ng motorsiklo bilang public transport.

Inirerekomenda rin sa committee report no. 46 na aprubahan ang Senate Bill 1341 o ang motorcycles-for-hire act

“We are inching closer to having a law that will make motorcycle taxis a part of our public transportation system,” ani Poe.

Bukod kay Poe, kabilang din sa may-akda ng bill sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senators Imee Marcos, Sonny Angara, Joel Villanueva, Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. at Francis Tolentino.

Layunin ng panukala na amyendahan ang RA 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code na nagre-regulate sa motorcycles-for-hire.

Sa ilalim ng panukala, kinakailangan na ang motorsiklo ay may timbang na 1,000 kilogram at maaari lamang magpatakbo ng may 50 kilometers per hour, may minimum engine na 125 cubic  centimeters at backbone-type built.

Bukod sa vehicle registration, ang motorcycles-for-hire ay kinakailangang kumuha ng certificate of public convenience o special permit na iisyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang motorcycle taxis ay isasailalim din sa klasipikasyon ng public utility automobiles, kasama ang public utility trucks, taxis at auto-calesas, garage automobiles at hire trucks na pinatatakbo ng contractor at custom brokers agents.   VICKY CERVALES

Comments are closed.